MISKI pribado ang pag-aari sa apat na coal-fired power plants sa Pagbilao, Malaya, Calaca at Sual, inobliga sila na idaan sa Napocor mafia ang pagbili ng coal. Sinusuway ng Napocor ang matagal nang utos ng Department of Energy na mag-imbak ng pangmatagalan para mas mura. Emergency parati ang pagbili. Tinatakot pa ang madla na magkaka-blackout kung hindi sila hayaan mag-rush import. Ito’y para mapaspasan nila ang pagluluto ng proseso. Dahil ora-orada ang pag-anunsiyo ng bidding, walang makasali nang lubos. Dinedeklara ng Napocor na “failure of bid.” Ito’y para maari nang diretsang makipag-negotiate sa kompanya na magpapa-kickback.
Isinagawa ng Napocor mafia ang modus operandi nu’ng Abril 2007. Kasabwat ang pinaka-taas. Diretsong nakipag-deal ang Napocor sa Hunter Valley Coal Corp. ng Australia, sa pamamagitan ng local partner Glencore Far East Philippines AG. Ang presyo: $84 kada tonelada (sa palitang P50:$1), gay’ung $30 lang kada tonelada ang bentahan noon sa Australia. Kumita sila ng P877.5 milyon mula sa limang barko ng tig-65,000 tonelada.
Idinemanda ng consumerists ng graft sina Napocor president Cyril del Callar, VP-Bidding Juan Carlos Guadarrama, at dalawa pang opisyal.
Hindi pa man naaaksiyunan ng Ombudsman ang kaso, humataw na naman ang Napocor mafia nitong 2008. Nagdeklarang kapos ang coal sa Pagbilao, kaya kailangan ng tatlong barkong tig-65,000 tonelada. Inimbita ni Guadarrama na mag-bid ang PT Marsitero Marloan ng Indonesia, dinaan sa Manila partner na TransPacific Consolidated Resources Inc. Fi-nax lang niya ito nu’ng Peb. 12 sa Danarra Hotel Business Center, na ayon sa hotel staff sa Quezon City ay dalawang buwan nang sarado. Limang buwang gulang pa lang ang TCRI, P1 milyon ang authorized capital, P62,500 lang ang paid up. Pero in-award ito ni Del Callar ng kontratang P956 milyon. Ang presyo: $109.50 kada tonelada, miski $77 lang ang bentahan noon sa Indonesia. Ang kickback: P258 milyon.
Hindi matitibag ang Napocor mafia. Ni hindi inuusisa ng Kongreso ang raket. Kasi, isa mismo sa taga-usisa ang patron — malapit sa Palasyo.