EDITORYAL -  Nakadidismayang pila sa pagbili ng NFA rice

HINDI maitatatwa ang paghihirap ng nakara­raming Pinoy. Nakikita ang katotohanan sa   ma­habang pila para makabili ng NFA rice. Kapag nakita ng mga dayuhan ang ganito kamiserableng kasa­latan sa bigas ng bansa ay baka sila ma­dismaya at iatras na ang kanilang negosyo rito. Nakadidis­maya ang wala sa sistemang pila na    para bang sagad na nga sa gutom ang nakara­raming Pinoy.

Kung mayroong sistema ang National Food  Authority (NFA) sa pagbebenta ng bigas, baka hindi na abutin ng sikat ng matinding araw ang mga nagna­nais makabili ng bigas. Kaso nga, wala sa sistema ang pagbebenta at marami pa ang dumudoble o tumi­triple para makarami ng biling bigas. Napapalusutan pa ang mga nagbebenta    ng bigas. Aminado naman ang namamahagi ng NFA rice na hindi na nila matan­daan ang mga muling pumipila sapagkat naghu­hubad na ng suot na damit para hindi makilala. Kung anu-anong gimik ang ginagawa ng mga nagnanais makabili ng NFA rice.

Kung may magandang sistema sa pagpapapila ang mga nagbebenta  sa NFA rice hindi mag­kakaroon ng kaguluhan at hindi rin magdudulot sa kamatayan. Kagaya ng isang report na isang lalaki, 58 years old ang biglang natumba na lamang. Na-heatstroke ang lalaki. Isinugod sa Northern Mindanao Medical Center subalit dead on arrival na ang lalaki, Hndi nakayanan ang sobrang init. Sinisisi naman ng mga kaanak ng biktima ang hospital dahil sa kapabayaan daw ng ospital. Itinanggi naman ng mga doctor na napabayaan ang lalaki. Maski si President Arroyo ay hindi nakaligtas sa paninisi ng mga kamag-anak ng lalaki. Ibinubunton kay Mrs. Arroyo ang krisis sa bigas.

Maganda naman ang utos ni Mrs. Arroyo na maaari nang makabili sa loob ng public schools ang mga residente sa depressed areas. Dapat         ay noon pa naisip ito at saka minanduhan ang NFA para hindi na nagkalat. Ngayong sa mga  public school na ibibenta ang NFA rice, magka­karoon na nga ng kaayusan sa pila at baka wala nang mamamatay dahil sa sobrang init. 

Show comments