DIS. 19, 2003, hinarang ng U.S. Customs ang dalawang magkapatid na kalalapag lang sa California airport mula Manila. Hindi dineklara nina Ian Carl Garcia, 26, at Juan Paolo Garcia, 23, ang dala-dalang $100,000 cash — isang krimen. Pinahayag ng dalawa na US citizens sila at di alam ang bigat ng pagkakasala. Ani Ian, nakatulog siya kaya ipinaubaya sa kapatid ang pagpuno sa Customs form. Ani Juan, umiiwas lang siya sa gulo dahil inusisa din dalawang buwan lang ang nakalipas kung paano nakaka-biyaheng first class gayong college student lang siya.
Kinumpiska ng U.S. agents ang $100,000. Nakiusap si Clarita D. Garcia, ina ng dalawa, na isoli ang pera. Sumumpa siya sa U.S. Customs nu’ng Abr. 6, 2004 sa mga sumusunod:
• Pang-down payment ang $100,000 sa New York condo na titirhan ng bunsong si Timothy, na umuupa ng apartment na $3,000 isang buwan. Inatasan niya ang mga anak na ideklara ang pera, kaso sutil ang spoiled na si Juan. Pero siya (Clarita) ay masunurin sa batas: dineklara ang ipinasok na pera nu’ng 1993 at 1995. Dineklara muli ang $100,000 na ipinasok nu’n lang Dis. 17, 2003, at $200,000 nung Enero 2003.
• Apat ang pinagkakakitaan ng pamilya: dalawang kompanya, isang daycare, at trabaho ng asawa bilang two-star heneral sa Armed Forces ng Pilipinas. Kumikita sila buwanan nang $8,000 sa dalawang kompanya at $10,000 sa daycare, pero hindi nila ito dinedeklara para lusot sa buwis.
• Deklarado ang suweldo para sa buwis ng asawang Carlos Garcia, Comptroller hanggang Abril 4, 2004. Bukod dito, tumatanggap si Carlos ng pambiyahe at panggastos na labis sa libu-libong dolyares. Sumasama siya (Clarita) sa biyahe at pinababaunan ng $10,000-$20,000. Mula lahat ‘yon sa mga military contractors sa Europa, Asya at Pilipinas.
• Bilang asawa ng heneral, meron siyang 4,000-gallon gas allowance kada buwan, limang tsuper, security detail, at cook na piyanista rin.
Nu’ng nakaraang linggo inabsuwelto ng korte si Garcia sa di-pagdeklara ng mga kayamanan sa Statements of Assets and Liabilities. Bakit!?! (Itutuloy)