NAKASAKMAL na ang krisis at ang kabuntot nito ay tiyak na ang kampanya ng gobyerno para magtipid ang mga Pilipino. Siguradong ipag-uutos ang magtipid sa tubig, kuryente at gasolina. Pagtitipid lang sa bigas ang hindi maipag-uutos sapagkat wala namang bigas na titipirin.
Ang kampanya sa pagtitipid ay isinulong na rin noong walang tigil sa pagtaas ang presyo ng gasolina. Sa pagtaas ng gasolina ay damay lahat kaya nararapat magtipid sa paggamit.
Noong 2006, pagtitipid sa kuryente ang isinulong ng pamahalaan. Mismong si President Arroyo ang nag-utos na alisin ang mga bombilya sa Mala cañang na malakas kumunsumo at palitan ng daylight lamps. Mas makatitipid kung ang mga daylight bulbs ang gagamitin. Maski ang paggamit ng tubig ay mahigpit na ipinag-utos ang pagtitipid. Pinuri ang mga departamento na nakikiisa sa kampanya. Nanguna ang Department of Health at ang Social Security System sa pagtalima sa direktiba ng Presidente.
Pero makaraan lamang ang ilang linggo ay agad din namang nawala ang kampanya at balik na naman sa pag-aaksaya. Ang mga sasakyan ng gobyerno na malakas lumaklak ng gasolina ay ginagamit ng mga opisyal sa pamamalengke, paghahatid ng anak sa school at makikitang nakaparada sa harapan ng videoke club.
Nasaan na nga ang kampanya ng gobyerno sa pagtitipid? Wala na! Naiisip lamang ang pagtitipid kapag nakasakmal na ang krisis. Ningas-kugon na pagtitipid.
Ngayong may krisis sa bigas at walang tigil ang pagtaas ng presyo ng gasolina, tiyak na magsasagawa na naman ng panawagan ang gobyerno sa pagtitipid. Muli na namang kakalampagin ang mamamayan na magtipid para makaiwas sa krisis. At makalipas lamang ang isa o dalawang linggo ay balik na naman sa dating gawi, ang pag-aaksaya.
Sino pa ang maniniwala kung makikitang muli ang mga sasakyan ng gobyerno na malakas lumaklak ng gasolina. Sino pa ang maniniwala sa kampanya sa pagtitipid ng kuryente kung makikita na ang mga lamp post ay nakasindi kahit araw.
Wala nang bisa ang kampanya sa pagtitipid sapagkat ang mismong gobyerno ang lumalabag sa kanilang ipinag-uutos.