ANG pinakamainit na balita sa ngayon ay ang pagsulpot ng isang low pressure area sa may katimugan na naghatid ng ulan sa kabuuan ng Visayas at Mindanao. Nung lunes ay sinalubong ng Metro Manila ang ambon na nagbigay ng sandaling ginhawa sa dinaranas nating araw araw na pagprito sa init ng araw.
Ang sandaling pagdilig ng ulan ay tinanggap ng buong-buo dahil ito ang natatanging magandang balitang nasagap sa linggong nakalipas. Bugbog ang bayan sa walang humpay na masamang balitang nagmumula sa pamahalaan. Anumang balita na hindi iskandalo ay talagang hulog ng langit.
Inspirado ako na maghanap ng maisusulat na maganda tungkol sa ating mga nanunungkulan o kahit sa pribadong sektor. Subalit wala talagang mahanap kung sa National, Metro o Business News. Maski sa Sports page, puro talo ang pambato natin sa mga international na paligsahan. Sa Entertainment scene may pailan-ilan. Tulad na lang na patuloy na ratsada ng batang mang-aawit na si Charice Pempengco sa mga kilalang TV show sa ibang bansa – hindi lang sa England at Korea kung di pati na rin sa pinakasikat na talk show sa mundo, ang OPRAH WINFREY show sa Amerika.
Napakalungkot isipin na sa panahon ngayon, halos wala tayong matukoy na maipagyayabang bilang Pilipino. Kung may mga tagumpay ang tulad nina Charice, o ni Manny Pacquiao, hatid nito’y panandaliang sigla dahil alam din na hindi nito mabubura ang katotohanan ng ating pang araw-araw na buhay. Na dahil sa patuloy na pagsalaula ng nanunungkulan sa kanilang sinumpaan, tuluyan nang nawalan ng respeto ang tao sa pamahalaan na kabit naman sa kawalan na rin ng pagmamahal sa bansa. At siempre, kasabay na rin ang kawalan ng respeto sa sarili.
May kumakalat ngayong e-mail na sinulat ng isang Koreanong nag-aaral sa Pilipinas. Pinapaliwanag nito ang kanyang obserbasyon kung ano sa tingin niya ang problema nating mga Pilipino. Tayo raw ay kulang sa pagmamahal sa sariling bansa.
Masisisi ba sila sa kanilang opinyon?