Saan man ibaling ang aking paningin
Sa umagang ito araw ay maningning;
Masanting ang init sa paligid natin
At walang panganib na tayo’y bagyuhin!
Sana’y laging ganyan sa tuwing umaga -–
Ang buong paligid ay kaaya-aya;
Pati mga ibon waring nagsasaya
At nagkukundayan ang dahon sa sanga!
Banayad ang hangin at wala ring ulap
Mabango ang simoy na aking nalanghap;
Kaya ang diwa ko ay nag-uumalpas
Niyaya ang puso na ngayo’y magsulat!
Marahang kinuha sa aking taguan
Ang pluma at papel na pagsusulatan;
Kumatas ang diwa’t ang letra’y gumapang
Ang nabuo’y tula na pangkalikasan!
Talagang kay gandang pagmasdan ng mundo
Kung walang balakid na biglang bumagyo;
Nangasa-office na ang maraming tao
At ako’y naiwang mag-isa sa k’warto!
Sa katahimika’y walang bumabasag
Kundi ang orasang tuloy ang pagtiktak;
Ang puso ko naman ay normal ang pitlag
Kaya inspirado sa aking pagsulat!
Nang ako’y dumungaw sa aming bintana
Ang aking nakita’y bundok na sariwa
At ang kabukiran sa dakong ibaba
Kay bango ng palay sa hanging sagana!
Ang mga bulaklak sa gilid ng ilog
Iba’t ibang kulay ang itinatampok;
Kay linaw ng ilog na mula sa bundok
Maliligong mutya’y kita ang alindog!
Ang mga tanawin sa dako pa roon
Ay kababakasan ng buong horizon;
Ang langit at lupa’y nasa isang bubong
Sa abot ng tanaw parang magkarugtong!
Ah kay gandang masdan ng ating daigdig
Lalo’t iisiping ito’y bagong bihis;
Ito’y bagong mukha na walang ligalig -–
Sapagka’t ang tao’y payapa’t tahimik!