(Kinalap ni Jezza Balmeo)
ANG ISTORYA NI DARLENE JULAO-MALELANG ay ipinarating sa aking tanggapan ng dalawang malapit na kaibigan ni Darlene na sina Maria Cristina Rondilla (Mac) at si Jamaica Molbog (Jam).
Dala nila nung una kaming magkita ang isang punit na parte ng aking kolum kung saan nakalista ang aking contact numbers at address. Dala rin nila ang lakas ng loob at paniniwala na matutulungan ko ang kanilang kaibigan na namatay “under suspicious circumstances.”
“Marami na rin kaming pinuntahan na taong inakala naming na matutulungan kami. Tumanggi sila dahil mahirap daw ang kaso. Nagbakasakali kami sa inyo baka mabigyan ninyo ng pansin ang nangyari kay Darlene,” ayon kay Mac.
Pinakinggan ko ang kanilang kwento. Mahirap nga ang pag-iimbestiga kung ano talaga ang nangyari kay Darlene. Hindi nagtagal at nakilala ko si Marit Julao, ang ina ni Darlene.
Walang tigil ang iyak at pagmamakaawa na tulungan ko sila sa pagkamatay ng kanilang pinakamamahal na anak. Hiningi ko ang medical records ni Darlene ng siya ay ma-confine sa Mount Carmel Hospital sa Lucena City.
Una akong nakipag-ugnayan kay NBI DIRECTOR NESTOR MANTARING. Nagrequest ako na kung maaring ipa-autopsy ang bangkay ni Darlene.
Ilang buwan na rin nakalibing ito at na-embalsamo kaya’t malaki ang posibilidad na “lusaw” na ito at marahil walang makikita dito.
Sa Boac, Marinduque nakalibing si Darlene kaya’t NBI Region IV ang may jurisdiction dito. Kilala ko ang Chief ng Medico-Legal ng NBI region IV. Si Dr. Antonio Vertido. Isang taong deretsong makipag-usap at sasabihin sa iyo kung nag-aaksaya ka lamang ng panahon at pagod.
Kinausap ko siya para masagawa ng EXHUMATION (paghukay) ng bangkay ni Darlene sa kahilingan ni Marit at nila Mac at Jam.
Matapos maisa-ayos ang lahat ng permits na kailangan, hinukay ng NBI Medicol Legal team ang bangkay ni Darlene sa pamumuno ni Dr. Vertido. Kasama sina Marit, Jam at Mac.
“Habang ginagawa ko ang autopsy sa bangkay dumating yung asawa at nagwawala. Ibinalibag yung bag na dala. Tinitingnan ko nga kung may dalang baril baka paputukan na lang kami. Ipinaliwanag ko na trabaho lang ang ginagawa ko dahil may request ang mother at mga concerned parties. Sinabi ko na kung walang dapat itago bakit siya magwawala,” ayon kay Dr. Vertido.
Walang magawa si P02 Don Derrick Malelang dahil legal ang ginagawang proseso. Meron kasamang police escort ang grupo kaya puro ngawa na lang daw ang nagawa nitong si Derrick.
Matapos ang autopsy ni Dr. Vertido diretsahang tinanong ko kung ano ang kanyang impression at nakita sa bangkay ni Darlene.
Gaya ng una kong pangamba lusaw na nga ang bangkay ni Darlene subalit merong significant findings si Dr. Vertido na magbibigay linaw sa tunay na nangyari kay Darlene.
Agad akong nakipag-ugnayan kay former Sandigan Bayan Justice Harriet Demetriou. Si Harriet ay ilang taong Judge sa RTC ng Pasig. Siya ang nagbaba ng hatol sa “Sarmenta-Gomez Rape Slay” kung saang Pitong Death Penalty ang iginawad niya kina former Calauan Mayor Antonio Sanchez et al, abogado ng pamilya ni Ms Nida Blanca laban kina Rod Laurence Strunk et al. Isang Human Rights Crusader na libreng tumutulong sa mga inapi at biktima ng krimen.
Hindi nagdalawang isip si Harriet na tumulong sa kaso. Kinunan niya ng mga “affidavit” sina Marit, Jam at Mac. Kinunan din niya ng pahayag ang ama ni Darlene na si Leovino. Ang pinakahuli ay ang salaysay ng batang kapatid ni Darlene na si Vinah Marie Cristine. Ang lahat ng testimonya ng mga taong nabanggit ay makapagpapatunay na si Darlene ay “battered wife.”
Sinamahan ni Harriet ng personal ang pamilya Julao sa NBI Region IV para maghain ng demanda sa kasong “Parricide” laban kay Don Derrick Malelang. Nakipag-ugnayan naman ako kay NBI Region IV Chief Nelson Bartolome.
Para sa akin ang pinakamabigat na testimonya ay ang ibinigay ng tatlong taong gulang na anak nila Darlene na si Shiekh.
Maingat at buong tiyagang kinuha ni Atty. Olga Angustia ng Violence Against Women and Children’s Division (VAWCD) ng NBI kung saan kinunan pa ng video si Shiekh.
Ikinwento nung bata kung paano niyang nakitang nag-away ang kanyang mga magulang. Sinuntuk-suntok umano nitong si Derrick si Darlene at inuntog ang ulo. Malinaw na isinalaysay ng bata sa video at ayon kay Harriet isinabmit na nila ito sa tanggapan ng NBI Region IV.
KAMAKAILAN ipinadala ni Dr. Vertido ang OFFICIAL REPORT (photo copy) sa aking tanggapan at para sa lahat ng sumusubaybay ng istorya ni Darlene, ayon sa report may nakita dun mga hemorrhages sa bungo ni Darlene na ayon kay Dr. Vertido traumatic injury sanhi ng pagtama ng isang matigas na bagay. Ang Cause of Death ay Epidural Hemorrhage.
Si Derrick ay ipinatawag ng NBI subalit hanggang sa sinusulat ko ang artikulong ito hindi pa siya sumisipot.Nakipag-ugnayan na rin ako sa tanggapan ni Director General Avelino Razon ng PNP dahil sa reklamo ng pamilya at mga kaibigan ni Darlene sa umano’y pananakot nito sa kanila.
Naging maingat kami sa aming tanggapan bago ko isinulat ang kwento ni Darlene. Ilang buwan din ang aking inantay hanggang kumpleto ang mga dokumento sa kasong ito.
Maraming staff ng aking tanggapan ang humawak na storya ni Darlene. Si Rhea Payuan, Marose Alaon at si Jezza Balmeo upang maihatid sa inyo ng walang kulang at walang dagdag na pamamahayag. Patuloy pa rin akong nananawagan kay Derrick na lumantad at magbigay ng kanyang panig tungkol sa mga pangyayari bago namatay si Darlene.
KUNG AYAW mo naman Derrick sa korte mo na lang sabihin ang mga ito. You have a lot to explain kung ano talaga ang nangyari.
MARAMING salamat sa lahat ng sumubaybay at nagbigay ng kanilang reaksyon sa kwentong ito at sa inyong mga panalangin. Mabuhay kayong lahat.
PARA SA MGA BIKTIMA NG krimen o may legal problems, maaari kayong tumawag sa 6387285. Maaari din kayong magtext sa 09213263166 o 09198972854. Maaari din kayong magpunta sa aking tanggapan sa 5th Floor City State Center Bldg., Shaw Blvd., Pasig City.
* * *
E-mail add: tocal13@yahoo.com