HINDI na bago sa BITAG ang sumama sa malakihang operasyon sa drug bust na ginagawa ng Philippine Drug Enforcement Group (PDEA).
Dahil para sa BITAG, malaki man o maliit ang operasyon, basta’t trabaho laban sa mga tiwali ng lipunan, katulad ng droga, nakahanda kami.
Sa ikalawang pagkakataon, mapalad ang BITAG at MISSION X na muling maanyayahan ng PDEA para mag-cover sa kanilang ikakasang drug bust operation sa kahabaan ng Calavinte, La Loma, Quezon City.
Kilala ang kahabaan ng La Loma bilang tindahan o bilihan ng masarap na lechon. Subalit lingid sa kaalaman ng lahat, bukod sa litson, may isa pang mabenta sa lugar na ito, ang SHABU!
Sa isinagawang surveillance operation, eksklusibo at matagumpay na naidokumento ng BITAG at MISSION X ang lantarang bentahan ng shabu o ipinagbabawal na gamot sa naturang lugar.
Dito, kagaya ng masarap na lechon, mabili at ani-mo’y candy lang ang shabu na pinagpapasa-pasahan sa kalye.
At katulad pa rin ng paborito nating lechon, bata man o matanda nasasarapan kapag kumakain nito. Subalit pagdating sa shabu, bata man o matanda, walang pinipiling kasarian, nagbebenta, nagtutulak at gumagamit ng droga.
Wala ring kinatatakutang awtoridad ang mga pusher at user sa lugar na ito dahil ang mismong kanilang den sa tabi lang ng kalsada makikita, parang lechon lang din na naka-display sa bangketa.
Labas-pasok pa ang mga durugista rito subalit animo’y bulag at hindi ito napapansin ng mga opisyales ng barangay na ilang metro lamang ang layo sa area.
Dito, maingat at masusing pinagplanuhan ng PDEA, BITAG at MISSION X sa isasagawang buy bust operation laban sa mga suspect at paglusob sa naturang drug den sa La Loma, Quezon City.
Delikado ang operas- yong ito dahil ayon sa mga naunang report, marami ng nagtangkang alagad ngn batas na pasukin ang lugar na ito subalit ang ilan sa kanila, sugatan o kaya’y sa sementeryo na kinahantungan.
* * *
Abangan sa BITAG ang eksklusibong dokumentasyon ng operasyong ito ng PDEA laban sa tindahan ng lechon este shabu sa La Loma, Quezon City.