MATAGAL na itong nangyayari. Hindi pa isinisilang si Agriculture Secretary Arthur Yap ay naririyan na ang anomalyang iyan.
Sa layunin ng gobyerno na makapagkaloob sa mga mamamayan ng murang bigas para sa mga mababa ang kinikita, naglalaan ito ng subsidiya. Ergo, meron tayong NFA rice. Marami nang naging pangalan iyan tulad ng NARIC o National Rice Co. nung panahon ni Magsaysay at Rice and Corn Administration (RCA) nung panahon ni Macapagal at Marcos. Unfortunately, may mga taong tiwali na nakukuhang i-divert ang bigas na ito upang ipagbili bilang “commercial rice” kung hindi man inihahalo sa commercial rice para mas malaki ang kanilang tubo. Kawawa naman ang mga mahihirap na umaasa lang sa kaunting benepisyong ito mula sa gobyerno.Hindi mangyayari iyan kung walang “taga-loob” na nakikipagkut- saba sa mga balasubas na ito.
Maging sa programang “Bitag” ng ating kasamahang kolumnistang si Ben Tulfo sa UN-TV ay naipakita na minsan ang anomalyang ito. Dahil diyan, kumilos na si Agriculture Secretary Yap para matuldukan (hopefully for good) ang katiwaliang ito.
Inamin ni Yap na mahirap masugpong ganap ang problema. Oo nga naman. Napakalawak ng distribution network ng National Food Authority sa buong bansa para epektibong mamonitor lahat. And the lure of huge profit is so strong, it is hard to dissuade unscrupulous merchants from the anomalous practice. Kaya ayon kay Yap, umaasa na lang ang kanyang tanggapan sa mga reklamo ng taumbayan. Kapag may prima facie evidence, agad inaaksyonan.
Ang unang hakbang na ginawa ni Yap ay ang rigodon o pagbalasa sa mga tauhan ng NFA sa iba’t ibang rehiyon at lalawigan. Marahil, kailangang gawin ito every so often para maiwasan ang tinatawag na fraternization ng mga tauhan ng pamahalaan sa mga rice retailers. Ngunit hindi lang iyan ang dapat gawin. Seryosong problema iyan at ang mga taong kasangkot sa katiwalian ay hindi lang dapat sibakin kundi ipagharap ng sakdal. Hindi lang pandurugas ang ginagawa ng mga taong iyan kundi unti-unting pinapatay ang mga mahihirap na mamamayan.