LUMABAS na kahapon ang resulta ng isina gawang water test sa Calamba, Laguna kung saan ay mahigit isang libong residente ang apektado ng tipus. Ang resulta: kontaminado ang tubig at ito ang dahilan ng pagkalat ng tipus. Sabi ng Department of Health (DOH) positibo sa Salmonella typhi ang sample ng tubig na kanilang idinaan sa pagsusuri.
Ilang linggo nang laman ng pahayagan at napa panood sa TV ang mga residente ng Calamba na nagsisiksikan na sa J. P. Rizal Public hospital at hanggang ngayon ay marami pa ring nasa ospital. Dahil sa dami ng pasyente sa nabanggit na ospital, pati ang lobby ng ospital ay inokupa na rin ng mga tinamaan ng tipus.
Tubig ang dahilan kaya may tipus. Tiyak na may mga leak ang tubo ng tubig at sa mga butas nito nagdaan ang Salmonella tyhpi. At maaaring hindi lamang ang bacteria ng tipus ang makapagdaan sa tubong may leak kundi pati ang mga bacteria na nagdudulot ng kolera at iba pang sakit. Karamihan sa mga tinamaan ng tipus sa Calamba ay mga batang may edad pitong taon.
Nararapat na imbestigahan kung nagkulang ang Calamba Water District (CWD) sa nangyayaring pagkalat ng tipus na ang dahilan ay ang iniinom na tubig. Una nang sinabi ng CWD na hindi kontaminado ang tubig na isinusuplay nila sa mga barangay. Sigurado raw silang malinis iyon.
Sa modernong panahon ngayon na makabago na at hi-tech ang mga gamit, mahirap isiping nakalulusot pa rin ang bacteriang kagaya ng Salmonella tyhpi at magdudulot ng takot sa mamamayan. Ang ganitong senaryo ay noon pang unang panahon nangyayari kung saan ay wala pang ganap na impormasyon ang taumbayan sa mga sakit na gaya ng tipus, kolera, El-Tor at maski na ang diarrhea.
Maunlad na raw ang bansa. Pero nakapagtatakang may mga pangyayari pang ganito na nakalagay sa panganib ang buhay ng mamamayan. Habang ang gobyerno ay abala sa mga proyektong katulad ng NBN, CyberEd at iba pang may mataas na teknolohiya, bakit hindi ang unahin ay ang pagpapabuti sa sistema ng iinuming tubig para makaligtas sa panganib ang mamamayan. Sa tipus ba matatapos ang mga naghihikahos?