TALAMAK ang corruption sa bansang ito at mahirap mabasag. Hindi basta-basta madudurog sapagkat maraming dapat patunayan. Isa pang dahilan kung bakit mahirap basagin ay sapagkat iilan lamang ang lumalantad para tumestigo sa ka tiwalian. Delikadong lumantad at magbigay ng pahayag sapagkat buhay ang katumbas.
Mababanggit ang mga malalakas ang loob na tumes tigo para mawasak ang katiwalian sa gobyerno ni dating President Estrada na sina Clarissa Ocampo, Delia Rajas at si dating Ilocos Sur Gov. Chavit Singson. Ang kanilang testimonya ang nagpalakas para maparusahan si Estrada dahil sa kasong pandarambong. Ang mga nabanggit na testigo ay naprotektahan kaya naman wala silang takot nang magsiwalat ng kanilang nalalaman ukol sa mga ginawa ni Estrada.
Ngayon ay isang testigo sa katauhan ni Rodolfo Lozada ang lumantad at ibinubulgar ang mga katiwalian sa gobyerno kaugnay ng national broadband project na ang ZTE Corp. ang magpopondo.
Mahirap ang katayuan ni Lozada na magsisiwalat ng mga katiwalian pero walang makitang proteksiyon. Ang Department of Justice na may hurisdiksiyon para maproteksiyunan ang witness ay kabaliktarang hindi kinakalinga bagkus ay ito pa ang humahabol. Halimbawa ay ang ginawang pagsalakay ng National Bureau of Investigation sa tanggapan ni Lozada sa Fort Bonifacio at kinuha ang mahahalagang dokumento roon.
Ang ganitong senaryo ay hindi na ipinagtataka sapagkat ang “kinalaban” ni Lozada ay ang mismong gobyerno na pinaglingkuran niya. Ayon kay Lozada, nagpunta siya sa Hong Kong para makaiwas sa pagdinig ng Senado. Pero nakonsensiya umano siya at naisip na bumalik para isiwalat ang nalalaman niya. Muntik nang malagay sa panganib ang buhay niya sapagkat sinundo siya sa eroplano ng ilang kalalakihan at kung saan-saan siya dinala.
Ngayon, ang tanging nagpoprotrekta kay Lozada ay ang mga madre at pari sa La Salle Greenhills. Mas nakasisiguro raw ng kaligtasan si Lozada.
Hindi mauubos ang mga tiwali sa bansang ito sapagkat walang nakukuhang proteksiyon sa gobyerno. Asahan pa ang pagdami ng sakit na corruption na masahol pa sa cancer. Ang pagpapasa ng batas ukol sa Republic Act 6981 o ang Witness Protection and Benefit Act ay nararapat.