TINUTUYA si Joe de Venecia, sa pagsiwalat niya ng mga baho ng Arroyo admin, kung “bakit ngayon lang?” Nasa farewell speech na niya ang sagot, nang amining makasalanan siya gaya ng lahat. Kaya parang inuurirat na rin si Saul kung bakit naging Paul at itinigil ang pagpapahirap sa mga Kristiyano matapos lang mabulag patungong Damascus.
Ito ang dapat na tanong: Ano na ang mangyayari kay Gloria Arroyo ngayong nilaglag ng mga anak niyang kongresista ang pinaka-masugid niyang kakampi sa pulitikang si JDV?
Miski sumanib si JDV sa Oposisyon, hindi bagong impeachment ang problema ni GMA. Nakalkula na ‘yan ng mga batang Arroyo. Susubuan lang nila ang mga kongresista ng pork barrel — P17 bilyon ng pera natin.
Sa larangang panlabas ang problema ng mga Arroyo. Binalaan sila ng Management Association of the Phils. at Phil. Chamber of Commerce and Industry tungkol sa mga magiging gusot sa ibayong dagat. Hindi sila nakinig; nagpakabulag sa hangaring benggansiya.
Speaker na si JDV nu’ng 1992 nang kulelat na senador pa lang si GMA. Bago ‘yon, idinala ni JDV ang Philippine construction industry sa Middle East habang middle manager lang si GMA sa trade ministry. Dahil founder ng Lakas-Christian-Muslim Democrats, mataas na pinuno si JDV sa pandaigdigang Christian Democratic Union na nakapuwesto sa Europe; walang international affiliation ang Kampi ni GMA. Bilang Speaker nang limang ulit, maraming world leaders na nakaibigang malapit ni JDV; ang katoto lang ni GMA sa ibang bansa ay si dating US President Bill Clinton.
Kaya, tiyak mag-iisip ang world leaders kung bakit nilaglag ni GMA si JDV. Kikilatisin nila lalo ang pagkatao niya, at ang human rights record, lalo na’t ibinunyag ni JDV na hindi siya tinulungan ni GMA nang bantaan siyang papatayin ng tatlong heneral ng Presidente.
Magdadalawang-isip ang world leaders mag-abuloy o magpautang. Kakapusin ang pondo ng gobyerno para sa basic services. Isisisi ito ng publiko kay GMA. Gugulo lalo ang termino niya.