ANG kasong ito ay tungkol sa sunog na nakasira sa ilang bahagi ng gusali ng BDI. Ang pinagmulan ng apoy ay ang bodega sa ikatlong palapag. Sakop ito ng CAPP, isang kompanyang umuupa sa ikalawa at ikatlong palapag. Nang humingi ng imbestigasyon ang CAPP, napag-alaman ng imbestigador ng Bureau of Fire Protection na ang pinagmulan ng apoy ay ang nasunog na coffee percolator. Malinaw na nakasulat sa metal na bahagi nito na hindi ito dapat gamitin kung walang laman, indikasyon na umiinit ang nasabing aparato. Ginamit ng CAPP ang resulta ng imbestigasyon upang makakuha ng insurance.
Sa parte naman ng BDI, ginamit din ng kompanya ang nasabing resulta upang palayasin sa nasunog na gusali ang CAPP at upang pagbayarin ang huli ng danyos na umaabot sa P1.5 milyon. Umalis nga ang CAPP sa gusali ngunit hindi nito binayaran ang halagang hinihingi. Ang ginawa ng BDI, tinaasan pa at ginawang P2 milyon ang sinisingil na danyos. Hindi naman daw pinaaalis sa ikalawang palapag ang CAPP kaya’t dapat pa rin nitong bayaran ang renta sa gusali. Walang nangyari sa hinihingi ng BDI. Ayon sa CAPP, ang sunog ay isang pangyayaring hindi inaasahan at hindi maiiwasan, o ang tinatawag nating “fortuitous event”.
Hindi tinanggap ng BDI ang argumentong ito. Nagsampa ng kaso ang BDI laban sa CAPP. Pinaboran ng korte ang BDI. Ang naging basehan ng desisyon ay ang ulat ng imbestigador. May testimonya at patunay din na ginawa ang isang bumbero kahit wala naman siyang naging partisipasyon sa pag-apula ng sunog. Kinuwestiyon ng CAPP ang naging desisyon ng korte. Ayon sa kompanya, ang ulat, sertipikasyon at testimonya ng bumbero ay hindi maaaring gamiting ebidensiya dahil walang na-ging partisipasyon ang bumbero. Hindi naman daw nila napatunayan na ang coffee percolator ang naging sanhi ng sunog. Tama ba ang kompanya?
Mali. Ayon sa batas (Art. 1667 Civil Code), nagkakaroon ng sapantaha na ang umupa ang may kasalanan sa pagkawala o pagkasira ng bagay na inuupahan. Upang mawala ang nasabing sapantaha, dapat na patunayan ng umupa na ang sanhi ng pagkawala o pagkasira ay isang bagay na di-inaasahan (fortuitous event). Dapat na hindi ito kasalanan/kapabayaan ng umuupa. Kung sakali naman at nagkasabay ang kapabayaan at ang fortuitous event, hindi pa rin sapat ang huli upang mapawi ang pagkakamaling nagawa.
Sa kasong ito, ang kapabayaan ng CAPP ang pinagmulan ng sunog na nakasira sa inuupahang unit. Kahit wala ang testimonya ng bumbero at ang mga ulat na kanyang ginawa, malinaw pa rin na napatunayan ang pagkukulang ng CAPP. Ito ang tinatawag sa batas na “res ipsa loquitor”, ang ibig sabihin kitang-kita ang ebidensiya dahil ang bagay na sangkot ang mismong nagpapatunay nito. Ang mga elemento nito ay: 1.) mayroong aksidenteng naganap na hindi normal na nangyayari maliban na lamang kung may nagpabaya; 2.) ang sanhi ng disgrasya/pagkasira ay nasa esklusibong kontrol ng taong namamahala, at 3.) ang sira o sakit na tinamo ay hindi kusang loob/ hindi ginusto ng taong nadisgrasya.
Ang sunog na nakasira sa gusali ng BDI ay hindi normal na nangyayari kun-di produkto ng pagkaka-mali ng tao. Ang sunog ay nagmula sa bodegang nasa kustodiya at pamamahala ng CAPP. Walang kinalaman ang BDI sa nangyari. Ang CAPP ang mas nakaaalam sa pinagmulan ng sunog. Dahil wala naman ang BDI sa posisyon upang alamin ang tunay na nangyari, umaasa lamang sila sa naging resulta ng imbestigasyon. Tama lamang na sisihin nila ang CAPP at humingi ng danyos. Walang matibay na ebidensiyang naipakita ang CAPP kaya’t hindi mapapasubalian na “res ipso loquitur” ang mamamayani sa kaso.
Sa mga kasong tulad nito na hindi naman nasusukat ang tinamong kawalan, pinapayagan ng batas ang pagbabayad ng danyos ayon na rin sa dikta ng korte. Dahil hindi naman napatunayan ng BDI kung magkano talaga ang hala-ga ng nasira, tama lamang ang danyos na P500,000.
Dapat ding bayaran ng CAPP ang renta ng gusali hanggang sa itinakdang petsa ng pagtatapos ng kontrata. (College Assurance Plan etc. vs. Belfranlt Development Inc., G.R. 155604, November 22, 2007).