WALANG ibang nagpapasikat sa pangalan ni Marine Capt. Nicanor Faeldon kundi ang Philippine National Police (PNP) na rin mismo. At mas lalo pang naging usap-usapan ang pangalan ni Faeldon nang paulit-ulit na ihayag ng PNP na isang lady reporter ang tumulong dito para makatakas habang nagkakagulo sa Manila Peninsula noong November 29, 2007.
Inilabas na ang video ng RPN-9 kung saan ay nakunan ang isang babaing reporter na kausap si Faeldon. Hindi naman mapangalanan ang babaing reporter. Ang reporter daw ang nagbigay ng PRESS ID kay Faeldon kaya ito nakatakas. Kung nakatiti-yak sila sa akusasyon, bakit hindi nila kasuhan ang babae?
Ang Armed Forces of the Philippines (AFP) ay wala ring ipinagkaiba sa PNP. Sabi ng AFP, patuloy sa panghihikayat si Faeldon sa mga kapwa sundalo para magsagawa ng destabilisasyon sa gobyerno.
Ayon kay Major Gen. Fernando Mesa, hepe ng AFP-National Capital Region Command Office, nabosesan umano si Faeldon habang tinatawagan ang mga aktibo at pinatalsik na sundalo para sumama sa panibagong kudeta. Tumawag umano si Faeldon sa mga kasamahang sundalo noong Enero 20 at inuudyukan para sumama sa gagawing kilos protesta sa Mendiola massacre na ginanap noong nakaraang linggo.
May nakapatong na P1-milyon sa ulo ni Faeldon at may balak pa raw gawing P2-milyon ayon sa AFP. Ang nakapagtataka ay kung bakit hanggang ngayon ay hindi pa rin madakma ang marine captain. Masyado bang madulas? Ang intelligence ba ng AFP ay walang binatbat?
Kung natunugan nila ang pagtawag ni Faeldon sa mga kasamahang sundalo para magsagawa ng panibagong pag-aalsa, bakit hindi nila masumpungan ang kinaroroonan nito. Bakit hanggang ngayon, patuloy na nagiging banta si Faeldon?
Masyadong pinalalaki mismo ng PNP at AFP ang balita kay Faeldon. Kung alam nila ang mga balak ni Faeldon, siguradong malalaman din nila kung nasaan ito.
Naakusahan ang PNP ng “witch-hunting” dahil sa pag-uugnay ng reporter kay Faeldon. Hindi dapat ganyan ang mangyari. Makabubuti kung mada dakma nila (AFP at PNP) ang rebeldeng sundalo at sampahan ng kaukulang kaso.