EDITORYAL — Maraming pinasusuweldo ang gobyerno pero hindi kuwalipikado

NAKAIINIS si Civil Service Commission (CSC) chair­man Karina Constantino David. Kasi’y bakit ngayon lang niya ibinulgar na sobra-sobra ang Cabinet undersecretaries at iba pang opisyal ng gobyerno. Sinabi pa niya na talamak na ang politici­zation sa bureaucracy. At ang matindi pang sinabi ni David halos kalahati ng mga policial appointees ay hindi kuwali­pikado o walang alam sa kanilang trabaho. Yak! Sabi ni David hindi maganda ang ga­nito sapagkat hindi nagagampanan ang tung­kuling maglingkod sa publiko sapagkat hindi nga sila kuwalipikado.

Sabagay hindi masisisi si David na ngayon lamang ibulgar ang nangyayaring politicization sa bureau­cracy. Nasa poder pa kasi siya kaya mahirap ang basta-basta gumawa ng hakbang. Pero sabi naman niya, matagal na niyang pinaalalahanan ang Mala­cañang ukol dito. Pero sa kabila raw ng kanyang ma­dalas na paalala ay hindi siya pinapansin. Si David ay nakatakda nang bumaba sa puwesto sa January 31. Tapos na ang kanyang pitong taong termino.

Ganoon man, maganda rin namang nabulgar kahit huli na sobra-sobra pala ang ini-appoint ng Arroyo administration. Sangkatutak pala ang pinasu­suweldo pero hindi naman nakapagbibigay ng tamang serbisyo sa mga tao sapagkat hindi kuwali­ pikado. Imagine, sa 3,500 career people na huma­hawak ng managerial position, wala pa sa kalahati nito ang may civil service eligibility. Nakadi­dismaya ring malaman, na mas mabilis pang ma-promote ang mga hindi eligible kaysa doon sa mga pasado sa civil service exam. Ano ba ‘yan? Bukod diyan mas marami pang trabaho ang mga may eligilibility kaysa doon sa mga “pinasok lang” dahil sa may padrinong malakas o nakagawa ng utang na loob kay President Arroyo. Sabi ni David, illegal ang pagbibigay ng position sa gobyerno bilang political rewards.

Makaraang ibulgar ni David ang sangkatutak na political appointees, agad nag-utos si Mrs. Arroyo na tanggalin o ilipat ang mga ito. Nagulo ang “gulayan” dahil sa ibinulgar ni David. Sana nga ay noon pa niya ito ibinulgar para maagang naalis ang mga pabigat sa gobyerno. Pinasusuweldo ang mga undersecretaries, assistant secretaries at marami pang opisyal pero wala namang pakinabang. Mga nagpapalaki lang ng itlog….

Iyan ang masamang bunga ng pagbabayad ng utang na loob. Maraming “utang” si Mrs. Arroyo at siguro ay matatagalan pa bago siya makapagbayad. Maski nga sa mga nakakulong na VIP sa Bilibid meron pa siyang binabayaran. Saan nga patungo ang bansang maraming utang na loob?

Show comments