NILABAS na ng Malacañang search committee ang mga posibleng kandidato para Comelec Chairman. Ayon sa mga ulat, ang nangunguna ay sina Ret. SC Justice Jose Melo at Former Justice Secretary Artemio Tuquero. Kasama nina State Prosecutor Jovencito Zuño, Lente Convenor Carlos Medina at Ret. Sandiganbayan Justice Raul Victorino, sila ang limang “survivor” ng ginawang pangungunsulta sa publiko at pagsuri ng kuwalipikasyon ayon sa rekord at kredibilidad. Siyempre, hindi tayo makasiguro kung ito’y babasahin man lang ni GMA. Nung huling may bakanteng puwesto sa Komisyon, may “short list” na lumutang na mismong sa Malacañang nagmula. Sa huli ay isa ring wala sa listahan, si Judge Moslemen Macarambon ang hinirang.
Sa kabila nito ay hindi pa rin mapigilan ang mga pribadong grupo na magtatag ng kani-kanilang lupon o “citizen’s watchdog committees” upang bantayan ang proseso. Pinakamasigasig dito ang CAW (Comelec Appointments Watch), isang samahang naglalayong linawin sa tao ang patakaran. Kung tutuusin ay wala sa batas ang panghihi masok nitong mga “civil society” sa proseso. Tanging ang Presidente ang may karapatang mamili ng nominado at ang Commission on Appointments ang magkukumpirma nito. Sa kabila nito ay tangka nilang maimpluwensyahan ang desisyon sa pamamagitan ng pagmulat ng mata ng lipunan sa mga kuwalipikasyon ng mga pagpipilian.
Ang Comelec nga naman ang pinakamahalagang institusyon ng pamahalaan sa ngayon – malaki ang maitutulong na pagpili ng mga karapat-dapat mamuno tungo sa pananahimik ng lipunan. At salungat nito, kapag pumalpak si GMA sa kanyang mga nominado –— malaking dagok na naman ito sa kampanya ng palasyong makabawi ng kredibilidad. Kung inaakalang nalimutan na ng tao ang “Hello Garci”, huwag silang magkamaling mag-akala na papayag tayong mangyari itong muli.
Dapat ay natutunan na ng bansa ang leksiyon ng EDSA 1 at EDSA 2. Bagamat tayo’y may pinagkatiwalaang mga kinatawan, kailangan pa rin ang patuloy nating pagmamasid at pagpapaalala sa kanila nang hindi sila makalimot at mang-abuso tulad ng nangyari sa mga nakaraang panahon. Ang “people’s participation” nga ay isinama bilang bahagi ng ating Saligang Batas matapos ng EDSA 1. Kaya dapat lang suportahan ang mga hakbang tulad ng ginagawa nitong CAW. Anumang magdadagdag kredibilidad sa COMELEC at sa ating mga institusyon ay karapat-dapat na tangkilikin.