“BAKIT mukhang malungkot ka?” tanong ko sa aking barberong si Mang Gustin. “Oh heto, basahin mo” sabay abot sa akin ng pahayagan. Sinasabi sa balita na ang agwat ng mayaman at mahirap sa bansa ay lalung lumawak noong nakalipas na taon.
“Damang-dama ko iyan” ani Mang Gustin. “Ang kinikita ko sa pagbabarbero limang taon na ang nakalilipas ay di hamak na mas mainam kaysa ngayon,”dagdag niya. Marahil, ang tinutukoy niya ay ang huminang purchasing power ng pera dahil sa tumataas na presyo ng bilihin.
It seems that our country is becoming a classic example of a “rich gets richer, poor gets poorer” society.
Ang isang pamahalaan na may mabuting layunin ay pumupuntirya sa pagpapakitid ng agwat na namamagitan sa mga mayaman at mahirap. Tila bigo ang pamahalaan sa layuning ito.
Ayon mismo sa National Statistics Office (NSO), ang agwat na ito ay lumawak pa, at ang 10 porsyento ng populasyon na itinuturing na pinakamayaman ay kumakamal sa ikatlong bahagi ng kabuuang income o kita ng bansa. Tinatayang 1.74 milyon ang bilang ng pamilyang kumita sa 36 porsyento ng kabuuang 2006 family income na nagkakahalaga ng P3 trilyon o US$74 bilyon.
Ayon sa NSO, ang average family income ng mga Pinoy ay US$12 bawat araw at kakaunti ang pamilyang may naiipon. Ibig sabihin, marami sa ating mga kababayan ang “isang-kahig-isang-tuka.”
On the average, tinataya sa 4-katao ang bumubuo sa isang pamilyang Pinoy.
Nakakalungkot ito. Indikasyon na unti-unting namamatay ang middle class. Ang kalakasan ng isang bansa ay nasa middle class na siyang pinakabuhay o puso ng ekonomiya.