ISANDAANG dollar na ang isang drum ng langis sa pandaigdigang pamilihan. Pinakamataas sa kasaysayan. At isa lamang ang ibig sabihin ng pagtataas na ito ng langis, nakaamba na ang pagtataas sa petroleum products — gasolina, diesel, liquefied petroleum gas (LPG), kerosene at iba pang produkto. Noong mga huling buwan ng 2007 umusok ang balitang aabot sa $100 ang bawat bariles. At heto na nga, nakaambang parang tabak na babagsak sa mga bansang mahihirap na gaya ng Pilipinas ang pagtataas.
Pero sabi ng gobyerno, katamtaman lamang daw ang magiging pagtataas ng petroleum products sa Pilipinas. Mahirap paniwalaan agad-agad ang sinabi ng gobyerno paano’y sagad na sagad ang ginawang pagtataas ng mga kompanya ng langis noong nakaraang taon, particular na ang “Big Three” — Caltex, Petron at Shell. Ayon sa report, nagkaroon ng 19 na beses na pagtataas ng presyo ang mga kompanya ng langis. Nagkaroon nga ng rollback pero ilang beses lang at hindi naman mabawi ang madalas na ginawa nilang increase sa presyo.
Ang hinihintay ng publiko ay ang gagawing paraan ng gobyerno para hindi masaktan ang taumbayan sa napipintong gasoline increase kaugnay ng pagtataas ng langis sa pandaigdigang pamilihan.
Noong nakaraang Disyembre, sinabi ng Department of Energy na magsasagawa sila ng pagsisiyasat hinggil sa mga ginagawang madalas na pag-i-increase ng presyo ng gasolina at diesel. Isa sa gagawin umano ng DOE ay ang pagsisiyasat sa mga libro ng “Big Three” para matuos ang kanilang kita at kung bakit sunud-sunod ang kanilang pagtataas. Pero biglang nawala ang isyung ito at wala namang marinig kung ano pa ang ginagawang hakbang ng pamahalaan para hindi mahirapan ang taumbayan sa nakaambang pagtataas ng petroleum products kasama ang liquefied petroleum gas (LPG).
Tiyak na ang unang ipapayo ng pamahalaan kapag rumatsada na ang pagtataas ay ang walang kapagurang linyang “magtipid” o “iwasang mag-aksaya”. Pero kung makikita ang mga opisyal at empleado ng gobyerno kung paano mag-aksaya ng gasolina sa kanilang mamahaling Expedition ay nakagagalit. Ningas-kugon sa pagtitipid ang kanilang nalalaman. Kapag nawala na ang isyu, balik na sa masamang kaugalian.