PARA SA MGA KAPATID nating mga Muslim ang baril ay importante para sa kanila. Parte na ito ng kanilang kultura na para bang ihinalintulad ito sa kanilang pagkalalaki o pagkatao.
Bawat bahay nga ng Muslim ay hindi yata nawawalan ng baril.
Para sa mga Muslim ang pagmay-ari ng baril ang isang status symbol para sa kanila ito. Kaya nang madinig ko na ang reklamong inilapit sa aming tanggapan na ito’y nag-ugat sa away tungkol sa baril, alam ko na madugong katapusan ang kahihinatnan nito.
Isinalaysay sa amin ni Khalid Ayonan ang nangyari sa kanyang kapatid na si Pedaton. Panlima sa anim na magkakapatid ang biktimang si Pendaton Ayonan, 53 taong gulang. Kilala ni Khalid ang kapatid na mapagbigay at responsible sa kanyang pamilya. Pito ang naging anak ni Pendaton o Peping sa asawa nitong si Rose. Hanap-buhay nilang mag-asawa ang pagtitinda ng manok sa palengke.
Simula nang magkaroon na din ng sariling pamilya si Khalid ay tumira na siya dito sa Cavite. Ang ilan sa kanyang mga kapatid kabilang na si Peping ay naiwan sa kanilang probinsiya sa Marawi. Nagulat na lang si Khalid nang mabalitaan niya mula sa kanyang hipag na may masamang nangyari sa kapatid niya.
Ayon sa kuwento ni Rose ay noong ika-20 ng Agosto, 2005, bandang 6:30 ng gabi ay dinalaw ng dalawang kaibigan si Peping sa kanilang bahay. Nakilala ni Rose ang mga ito na sina Abraham Bandrang at Aminola Barabadan. Malayong kamag-anak nina Peping si Abraham gayunpaman ay naging malapit ito sa kanila. Kabarangay nila ito at madalas na nakakainuman din ni Peping. Napansin ni Rose na may dalang 9mm pistol si Aminola na hindi naman niya ipinagtaka dahil pulis ito.
Pinatuloy ng mag-asawa ang mga bisita sa loob ng kanilang bahay. Sadya ng dalawa ang tungkol sa baril na isinanla ng isa pa nilang kaibigan na si Lopez Bandrang. Naging guarantor si Peping sa pagsasanla ng baril na iyon sa halagang P20,000. Iniabot ni Abraham ng P5,000 upang bawiin na ang baril sa taong pinagsanlaan ngunit tumanggi si Peping dahil kulang pa ang pera.
Iminungkahi ni Peping na ipagpabukas na lang nila ang pagbawi para mabuo ang kailangang halaga. Bukod pa dito ay sinabi niyang si Lopez ang siyang dapat tumubos sa baril dahil siya ang nagsanla dito. Sinamahan ni Peping ang dalawang kaibigan sa pinto. Patuloy pa rin ang pagkukumbinsi ni Abraham na bawiin na ang baril na isinanla. Habang pababa ng hagdan ay nauna ang dalawa at sumunod si Peping sa kanila. Nang makalahati na sina Ambraham sa pagbaba ay nakita ni Rose na ibinigay ni Aminola ang baril na dala sa kasama. Huli na nang makita iyon Peping at doon mismo ay binaril siya ng tatlong beses ni Abraham.
Nakita ng kanilang anak na si Abdulsamad ang nangyari kaya agad itong tumakbo sa ama upang huwag itong mahulog at tuluyang mailayo kina Abraham. Bago pa niya ito magawa ay siya naman ang pinaputukan ng baril ni Abraham. Napansin iyon ni Abdulsamad kung kaya’t mabilis siyang nakapagtago at nakailag sa bala.
Agad na tumakbo papalabas ng bahay sina Abraham at Aminola. Nang sumilip si Rose sa kanilang bintana ay nakita niyang nasa labas lamang si Lopez na sumama din sa pagtakbo sa dalawa. Itinakbo si Peping sa Marawi Hospital ngunit dahil hind kumpleto ang gamit doon ay kinailangan pa nilang ilipat ang biktima sa Iligan Hospital. Hindi na umabot si Peping at idineklara na ng mga doktor na Dead on Arrival ito.
Nagsampa ng kasong Murder at Attempted Murder ang mga kaanak ng biktima laban kina Abraham, Aminola at Lopez sa Marawi City Prosecutor’s Office. Nagsumite naman ng kontra-salaysay ang respondents ukol sa demanda sa kanila.
SA LUNES itatampok ko ang nilalaman ng kontra-salaysay ng mga akusado sa usaping ito.
HINDI nagustuhan ng partido nila Khalid ang resolusyon ng prosecutor na duminig ng preliminary investigation sa kasong ito. Nagsampa sila ng PETITION for REVIEW sa Department of Justice. Mahigit na dalawang taong nakabinbin ang petition nila sa DOJ kaya’t itinampok ko sila sa aming programa ni Sec. Raul Gonzalez sa aming radio program, “HUSTISYA PARA SA LAHAT,” sa DWIZ.
Nangako ang kalihim na titignan niya at pag-aaralang mabuti ang petition na isinumite ni Khalid upang mailabas agad ito para maumpisahan na ang paglilitis sa korte.
MGA mambabasa ng “CALVENTO FILES” nais ko lamang linawin na ang mga kasong inilalapit sa amin at kapag ito’y meritorious at may basehan, asahan niyo na matutulungan naming kayo.
ANG programang “HUSTISYA PARA SA LAHAT” ay mapapakinggan araw-araw, Lunes hanggang Biyernes, alas tres hanggang alas kwatro ng hapon. Tuwing Sabado naman alas siete hanggang alas otso ng umaga sa DWIZ, 882 Khz sa am band.
Para sa mga biktima ng karahasan, pang-aabuso o anumang krimen o legal problems maaari kayong tumawag sa 6387285 o ’di kaya’y sa 6373965-70. Maaari din kayong magtext sa 09213263166 09198972854. Ang aming tanggapan ay sa 5th Floor City State Center Bldg., Shaw Blvd., Pasig City.