MADUGO ang Dec. 30, 2000. Itinaon pa ang pambobomba sa anibersaryo ng kamatayan ni Dr. Jose Rizal. Wala sa hinagap ng mga pasahero ng LRT patungong Monumento na mabibiktima sila ng mga walang kaluluwang terorista. Sa isang iglap, ang mga pangarap ay nawarat. Ang nangyaring pagbomba sa LRT ay isa sa limang sunud-sunod na pambobomba ang isinagawa ng mga terorista sa Metro Manila. Pinakamarami ang namatay sa LRT-Blumentritt Station — mahigit 100 at ang karamihan ay mga bata. Tanghaling tapat nang sumabog ang train at nang mahawi ang usok, naghambalang ang mga patay, maraming dugo. Nakihalo ang dugo sa mga pinamili ng mga tao para ihanda sa kanilang pagseselebra ng Bagong Taon.
Ang nangyaring iyon ay maaaring mangyari muli kung hindi magkakaroon nang mahusay na pagbabantay ang Armed Forces of the Philippines at Philippine National Police. At kung mangyayari iyon, tiyak na mas marami ang mamamatay sapagkat mas powerful ang mga bombing ginagamit sa kasalukuyan. Sinisiguro ng mga terorista na mas marami silang mapapatay na sibilyan. Kaligayahan nilang makakita ng mga sibilyang naliligo sa dugo. Walang ipinagkaiba sa suicide bomber na pumaslang kay dating Pakistan premier Benazir Bhutto.
Posibleng ang nangyari noong December 2000 ay maulit kung hindi magiging alerto ang Armed Forces of the Philippines at Philippine National Police. Nakaabang lamang ang mga terorista particular ang Abu Sayyaf. Ang Sayyaf ay sinusuportahan ng Al-Qaeda terrorist network na pinamunuan ni Osama bin Laden. Ang Sayyaf ang may kagagawan sa pagtatanim ng bomba sa isang ferry habang naglalayag sa Manila Bay kung saan marami ang namatay. Isang pampasaherong bus din ang kanilang binomba habang naghihintay ng pasahero sa Ayala Avenue noong 2004. Bukod sa pambobom-ba, marami nang nabiktima ang Sayyaf sa kanilang pangingidnap.
Sa pagkakataong ito na masigasig ang mga terorista na maghasik ng lagim, hindi lamang dapat iasa sa AFP at PNP ang responsibilidad para malumpo ang terorismo. Kailangan din ang kooperasyon ng mamamayan. Nararapat na maging mapagmatyag ang mamamayan sa mga taong kahina-hinala ang kilos. Ipagbigay-alam sa mga awtoridad ang mga bagay na iniiwan sa mga sasakyan at mga matataong lugar at baka iyon ay bomba.