(Huling Bahagi)
BAGO ko ituloy ang kwento ni Mina, nais ko lamang ulitin na sa kasong RAPE O pangagahasa, ang testimonya ng biktima na “straight forward” at kapanipaniwala ay mas binibigyan ng timbang ng isang investigating prosecutor kesa sa tahasang pag-deny ng isang respondent.
Sa Preliminary Investigation, probable cause lamang ang kailangan ma-establish para maisampa ang demanda. Sa Kaso ni Mina, hindi lamang merong medical certificate na magpapatunay na nagalaw nga ang dalagita at sinumpaang salaysay ng biktima, hindi pa nagsumite ng kontra-salaysay ang respondent na si Jessie Pineda, 25 taong gulang.
Ang reklamo ni Mina ay hindi na kontra ng respondent dahil ni hindi nga ito nagbigay ng kontra-salaysay. What we have here is an uncontroverted testimony of the alleged victim.
Kung ganun, bakit dinismis ng investigating prosecutor na si Eduardo Guardiano. Aba ewan ko. Hindi raw niya jurisdiction ayon sa kanyang resolution. Saan ba naganap ang diumano’y panggagahasa?
Iwan muna natin yan at ipagpatuloy muna natin ang Salaysay ni Mina.
Ayon sa kuwento ni Mina ay inaya siya ni Jessie na sumakay sa motor nito. Sumakay naman siya dahil kaibigan niya ito at nangako itong malapit lang ang papasyalan nila. Una ay umikut-ikot muna sila sa hindi kalayuang lugar. Hindi nagtagal ay sinabi ni Jessie na pupunta siya sa bahay ng kanyang kapatid sa sentro.
May kalayuan ang lugar na iyon kaya hindi agad pumayag si Mina. Subalit nangako naman si Jessie na babalik sila ulit matapos nito makuha ang sadya sa bahay ng kapatid. Bandang 3:00 ng hapon nang makarating sila doon. Nagulat na lang si Mina nang ayaw siyang paalisin ni Jessie sa kanilang bahay.
Dagdag pa ni Mina na pinapasok siya ni Jessie sa isang kuwarto kung saan nagtapat ito na mahal na mahal siya. Handa daw siya nitong pakasalan upang patunayan ang kanyang nararamdaman. Nagpumilit na lumabas ng kuwarto si Mina ngunit palaging nakabantay si Jessie sa kanya.
Sa pagdaan ng oras ay nasa loob ng kuwarto si Mina at umiiyak na lang. Natatakot siyang sumigaw dahil baka may gawing masama si Jessie sa kanya. Hindi namalayan ni Mina na nakatulugan na niya ang pag-iyak.
Sumapit ang gabi ay namalayan niyang tumabi sa kaniya si Jessie. Pilit siyang hinubaran ng damit sa gitna ng kanyang mariing pagtutol. Pinaghahalikan siya nito at pinaghihipo sa iba’t ibang bahagi ng kanyang katawan.
Nagpupumiglas siya ngunit wala siyang laban sa lakas ng lalake. Tinakot siya nito na huwag maingay kung hindi ay sasaktan siya nito. Sa huli ay nagtagumapay si Jessie sa masamang balak nito kay Mina.
Ang kahalayang nangyari sa kanya ng gabing iyon ay naulit pa nang dalawang beses sa mga sumunod na araw. Hindi niya nagawang makapagsumbong sa kapatid ni Jessie dahil na rin sa takot. Pakilala din ng lalake sa kanya ay girlfriend niya si Mina at nagtanan sila. Naniwala ang kapatid nito kaya hindi na sila pinakialaman.
Napilitan umanong ilabas siya ni Jessie sa bahay na iyon. Naging malinaw kay Mina ang lahat kung bakit siya inilabas ni Jessie ay sa dahilang hinahanap na siya ng kanyang ama.
Sa sinumpaang salaysay ni Mina ay malinaw na binanggit niyang hindi sila nagtanan ni Jessie dahil hindi niya ito nobyo. Sa pagtatanong ni Renato ay gusto ng anak niyang managot si Jessie sa ginawa nito sa kanya.
Mga mambabasa ng kolum na ito, nasisiguro ko na ang depensa nitong si Jessie Pineda ay magkasintahan sila nitong si Mina. Si Mina ay kusang loob na sumama sa kanya. Kung tutuusin nga mahirap tumangay ng isang kinse anyos na angkas mo lamang sa isang motor. Maliban pa dito ay ipinakilala pa nga itong dalagita sa kanyang kapatid at kamag-anak dun sa bahay na pinagdalhan sa kanya.
Ayoko namang kontrahin ang mga ito subalit ano ba ang malinaw sa kasong ito? Si Mina ay kinse anyos lamang at itong magaling na lalakeng itong si Jessie Pineda ay 25 taong gulang.
Ayon sa batas ang mga menor-de-edad na tulad ni Mina ay binibigyan ng proteksyon sa ilalim ng R.A. 7610 o ang Anti-Child Abuse Law. Ang mga minors tulad ni Mina ay hindi inaasahang makapagbibigay ng tamang desisyon tungkol sa mga usaping mabigat na desisyon ang kinakailangan.
Kaya nga ang mga menor-de-edad ay hindi pinapayagan mag-nameho o magkaroon ng drivers license, hindi rin pinahihintulutang manood ng mga pelikulang “for adults only” o kaya’y uminom ng alak, magsugal. Hindi pwedeng mag-asawa ng walang pahintulot ng magulang at hindi pa pwedeng bumoto ng mga public officials sa isang halalan.
Kaya’t anuman ang dahilan o depensa nitong si Jessie, bubunggo ito sa nakasaad sa ating batas na kapag menod-de-edad ang babae, “BACK OFF” ika nga. Kahit siya na ang gumawa ng unang hakbang, magyaya sa iyo na magtanan o ipasyal sa isang lugar, aba mag-isip ka muna at gumawa ka ng dahilan. Kung hindi, siguradong sasabit ka kaibigan.
Tinulungan ng aming tanggapan itong si Renato Soriano na nung pumunta siya sa amin wala siyang kaalam-alam sa nangyari sa kanyang anak. Nakipag-uganayan kami kay SPO4 Jose Nuñez ng CIDG Tarlac ang officer-on-case dito sa kasong ito. Nagpunta naman sila sa prosecutor’s office ng Tarlac at dun na nga nila nalaman na dinismis nitong si Prosecutor Eduardo Guardiano. Agad naman kaming kumontak sa opisina ni Provincial Prosecutor Aladin C. Bermudez, Jr., ng Tarlac City at nakausap naming si Jane Manoloto. Ipinaalam sa amin ni Jane na binaliktad ni Prov. Prosec. Bermudez ang resolution at isasampa ang information para sa kasong Consented Abduction with Rape in Relation to RA 7610 (3 counts).
Sa puntong ito nais naming pasalamatan ang lahat ng tumulong upang umusad ang kaso ni Mina. Ikaw naman Jessie Pineda, ihanda mo rin ang iyong sarili sa mga “consequences” ng pagtikim mo ng kinse anyos.
Para sa mga biktima ng karahasan, pang-aabuso o anumang krimen o legal problems maaari kayong tumawag sa 6387285 o di kaya’y sa 6373965-70. Maaari din kayong magtext sa 09213263166 09198972854.
Email address: tocal13@yahoo.com