Pagyuyurak sa sining, panununog ng libro

NITONG nakaraang linggo naulat na nag-censor ang National Press Club ng mural na alay sa press freedom na ipinapinta nila. Napabalita rin na ipinababawi ng isang obispong Katoliko ang librong pang sex education sa Metro Manila.

Magugunita mula sa ulat ang maraming kabanata sa kasaysayan ng  pagyurak sa sining at pagsunog ng libro. Libong taon na nang wasakin ng Persians ang arkitektura ng Egypt, at ni Caesar Augustus ang libraries ng Alexandria. Winala rin noon ang mga tula ni Cicero, ninakaw ang obelisks ng Greece. Nito namang modern age, sinu­nog ng Red Guards sa China nu’ng 1960s Cultural Revolution ang mga “librong burgis at piyudal”, at dinurog ng mga Taliban sa Afghanistan ang mga higanteng estatwa ni Buddha na inukit mula sa gilid ng bundok. Sa parehong insidente, sinira rin ng Red Guards at Taliban ang mga “kolonyal” na musical instruments, tulad ng biyulin at piyano.

Bakit nga ba winawasak ng ilang grupo ang mga gawang sining at libro? Hindi ba nila alam na sa Talmud ng mga Hudyo at Koran ng mga Muslim ay sinasabing merong isang Great Library bago pa man likhain ang mundo? Hindi ba nila alam na gan’un na lang ang pagpa­pa­halaga ng mga nag-iisip na tao para sa mga likhang sining at panitikan?

Oo, alam ‘yon ng mga kalaban ng sining at libro. Kaya nga nila dinudurog ang mga likha ay para sirain ang kultura at talino ng sinasakop na lipunan. Batid kasi ng mga ma­ paniil na hari o hukbo na ang sining ay panitikan ay tina­tangkilik ng mga intelektuwal ng bawat lipunan — at ang mga taong nag-iisip ay mahirap supilin. Kaya sinisira ang mga simbolo at produkto ng kanilang talino, para masakop sila. Matatandaang sinira ng mga Kastila ang mga akdang katutubo. Mabuti na lang at memoryado ng ilang sinauna ang mga alamat tulad ng “Biag ni Lam-ang”  kaya naipasa ito sa mga sumunod na henerasyon. Matatandaan ding ipinagbawal ng Hapon ang mga akdang Ingles — kaya raw yumabong ang Tagalog short story nu’ng Occupation.

Show comments