EDITORYAL – Karahasan sa courtroom ay nakapangangamba na

SAAN pa nga bang lugar ligtas ngayon? Mapa­labas o mapaloob ng tahanan ay mayroong napa­pahamak. At kahit sa loob ng courtroom ay hindi na rin ligtas sapagkat ang dugo ay duma­danak.

Hindi na bago sa pandinig ang karahasan sa loob ng Korte sapagkat noong nakaraang taon, isang dating movie stuntman ang nanghostage sa loob ng isang Korte sa Taguig City. Tumagal ng isang araw ang hostage. Madugo ang nangyari sapagkat lumaban sa mga pulis ang stuntman at napatay nang sumabog ang kanyang hawak na granada. May dala ring baril ang stuntman. Ang tanong  ay paanong naipasok ng stuntman ang baril at gra­nada sa loob ng Korte. Wala bang guwardiya na nagrerekisa sa mga taong pumapasok doon?

Yes! Wala ngang guwardiya? At aminado rito ang Korte Suprema na talagang walang pondo para maipang-hire ng mga sekyu para sa mga trial    court. Saan daw kukunin ang pambayad sa mga guwardiya e wala ngang pondo at tila binabawa-san pa ito?

Pero sabi ni Supreme Court Chief Justice Rey­nato Puno, pipilitin daw nilang malagyan ng mga guwar­diya ang mga Korte para maiwasan ang mga insi­dente ng pangho-hostage at pamamaril sa loob mismo ng trial court?

Kung ang problema sa kawalan ng guwardiya ay agad nalutas ng Korte Suprema, hindi sana mang­ya­yari ang madugong pamamaril sa loob mismo ng courtroom sa Las Piñas City noong Miyer­­kules ng umaga. Binaril ng isang lalaki ang abogada at ang kliyente nito. Magsisimula na umano ang hearing dakong alas-diyes ng umaga nang biglang dumating ang isang lalaki at pinagba­baril ang abogada at kliyente nito. Namatay ang dalawa. Kinabukasan, nahuli na ang suspect. Asawa pala ito ng kliyente ng abogada. Annulment case raw ang dahilan ng pamamaril.

Nakapangangamba na ang nangyayaring ito na maging sa loob ng courtroom ay hindi na ligtas ang mga sibilyan. Kung hindi kikilos ngayon ang Supreme Court malamang na madagdagan pa ang mga krimen. At baka hindi lamang pamamaril kundi maaari ring taniman ng bomba ang Korte na walang ipinagkaiba sa nangyari sa Batasang Pambansa. Lagyan ng sekyu ang mga trial court.

Show comments