NAG-UMPISANG magtrabaho si Lita bilang tagapangasiwa ng comfort room ng babae sa isang klub/restawran na pag-aari ng kompanyang BC noong 1992. Ang tanging katibayan ng pagtatalaga sa kanya ay ang sulat ng may-ari.
Nilalaman ng sulat na may petsang Enero 6, 1992 ang lahat ng kondisyones ng kanilang kasunduan. Sinasaad na sagutin ni Lita ang pag-aasikaso sa comfort room, na ang lahat ng mga ibibigay sa kanyang tip, komisyon o pera ay kanya maliban na lamang kung lumampas sa 200 percent sa karaniwang suweldo ang matatanggap niya kada gabi. Kung lampas 200 percent ay mapupunta sa kompanya ang kalahati ng sobra nito. Nilinaw din sa kasunduan na wala silang relasyon bilang amo at empleyado. Ang kasunduan ay mananatili sa loob ng isang taon at maaaring pagkasunduan ulit hanggang sa makatanggap siya ng paunawa na hinihinto na ang kasunduan. Habang nagtatrabaho sa kompanya, nakatatanggap siya ng allowance, mayroon siyang ID card at sumusunod sa lahat ng regulasyon ng kompanya. Tatlong taon mula nang mag-umpisa ang kasunduan, nakatanggap si Lita ng sulat mula kay Andy. Pinagpapaliwanag siya kung bakit hindi dapat tapusin ang kontrata dulot ng isang insidente kung saan hindi maganda ang ipinakita ni Lita sa isang kostumer ng restawran. Pagkatapos ng nangyari ay itinigil na ni Andy ang kasunduan noong Pebrero 15, 1995.
Nagsampa ng kaso si Lita laban sa kompanya. Hindi raw siya maaaring tanggalin sa trabaho dahil naging empleyado na siya roon. Una, hindi naman niya pinirmahan ang kasunduan. Nakatatanggap din siya ng allowance katumbas ng minimum wage at mayroong ID card patunay ng kanyang estado. Panghuli, sumusunod din siya sa mga patakaran at regulasyon ng kompanya. Tama ba si Lita?
MALI. Kahit pa hindi siya pumirma sa kasunduan ay hindi pa rin mapapasubalian na sinunod ni Lita ang mga sinasaad nito sa loob ng mahigit tatlong taon. Katunayan ito na pumayag siya sa kasunduan.
Ang mga kontrata ay nabubuo sa pamamagitan ng pagsang-ayon ng bawat partido at pagtanggap ng mga kondisyones nito. Ang pagpayag ay maaaring malinaw o kaya ay maibabase na lamang sa mga sumunod na ginawang aksyon ng magkabilang panig. Ang kontrata ay mapagtitibay basta’t may pruwebeng maipakikita patungkol dito, kahit ito ay di nakasaad sa isang dokumento.
Sa kasong ito, matagal na napakinabangan ni Lita ang mga benepisyong idinulot ng kasunduan. Hindi na niya maaaring itanggi ito dahil lamang tinatapos na ni Andy ang kontrata. Isa ito sa mga kondisyong nakasaad sa kasunduan. (Lopez vs. Bodega City et. Al. G.R. 155731, September 3, 2007).