HINDI ko makalimutan ang balita na isang sanggol ang nginatngat ng mga daga sa Pasay. At kasunod niyon, sa parehong bahay, isang katorse anyos na babae naman ang inatake rin ng mga daga. Mukhang natuto nang umatake ng tao ang mga dagang ito, at tila hindi na rin natatakot sa tao. Nang inspeksyunin ang lugar kung saan nangyari ang mga atake, nakitang marumi at nagkalat ang mga tira-tirang pagkain at basura. Alam naman natin na ito ang paboritong puntahan ng mga daga -– mga lugar kung saan may pagkain. Samakatuwid, dahil hindi malinis ang lugar, binahayan na ng daga. Magsilbing leksyon sana ito sa lahat na panatiliing malinis ang paligid.
Hindi biro ang may kasamang daga sa tinitirhan. Ang daga ay kakain ng kahit ano, kahit ang balat ng kawad ng kuryente. Kapag nabalatan na ang kawad, ang potensyal ng sunog ay mataas na. At maraming sakit ang dala-dala ng daga, katulad ng leptospirosis, na nakukuha sa ihi ng daga. Nandiyan din ang murine typhus disease, na nakukuha sa mga pulgas na galing sa daga. Ang HPS o hanatavirus pulmonary syndrome na nakukuha sa pagkain na kinainan na rin ng daga. Ang pinakamatinding sakit na naikalat ng daga ay ang Bubonic Plague na galing sa mga pulgas ng daga na may Yersinis Pestis na mikrobyo. Noong ika-14 na siglo, kumalat sa buong mundo ang Bubonic Plague. Humigiti kumulang na 75 milyong tao ang namatay. Halos kalahati ng populasyon ng Europa ay naubos. At ang daga ang dahilan ng bilis ng pagkalat nito. Ang mga pulgas na dala-dala ng mga daga ay kung saan-saan nakakapunta. Pati sa mga barko ay nakakasakay ang mga daga, kaya kumalat sa lahat ng bahagi at sulok ng mundo. Ganyan katibay ang daga.
Pero kung peste ang tingin natin sa maliit na hayop na ito, sa ibang bansa katulad ng India, sinasamba ang daga! May isang templo sa India kung saan parang diyos ang tingin sa daga. At dahil sa paniniwala ng mga Hindu na lahat ay nabubuhay muli sa ibang anyo o reincarnation, ang mga dagang nasa templo ay maaaring dating tao, baka kamag-anak pa, kaya pinababayaan na lang. At alam na alam natin ang pinakasikat na daga sa buong mundo na si Mi ckey Mouse ay mahal na mahal ng mga kabataan. Sa halip ng mga ganitong pagkakalarawan sa daga, hindi dapat malimutan na ito’y isang peste na maaaring magdala ng sakit at kapinsalaan.
Ang sanggol na nginatngat ng daga sa Pasay ay magandang halimbawa na hindi puwedeng ibalewala ang daga. Maaaring cute si Mickey, pero daga pa rin ito!