Noong isang araw tayo’y ginulantang
Ng isang pagsabog sa Kamaynilaan;
Ito ay naganap sa isang kainan
Na maraming taong doo’y nagdaraan!
Pagsabog na iyo’y agad puminsala
Sa isang bahagi ng mall na magara;
Nagbagsakang pader na biglang nagiba
Pumatay ng tao’t sumugat sa madla!
Mahigit sa sampu ang doo’y nasawi
Ang mga sugata’y higit na marami;
Sinadya man ito o kaya ay hindi
Sana’y di maulit mga pangyayari!
Kung ito’y kinusa ang taong gumawa
Kung nabubuhay man kaluluwa’y wala;
Tahimik na tao’t tahimik na bansa
Ay kanyang ginulo at pumatay pa nga!
Insidenteng ito’y hindi akalain
Nitong sambayanang sakmal ng panimdim
Parang dumarami ang alalahanin
Na sa ating bansa’y umalis-dumating
Kung ito’y ginawa ng mga terrorist
Pulis at military dapat na maghigpit;
Pati na ang ating security police
Dapat alertado sa lahat ng saglit
Eksplosyong malakas kung ito ay likha
Ng mga materials na nasa ibaba;
Ang may-ari nito’y tumpak ang salita
Na sagot ang gastos ng nangasalanta!
May iba pang suspect na dapat hanapin
Ito’y sira ulo at walang damdamin;
Ang taong ganito ay dapat hulihin -–
Bulukin sa preso o kaya’y bitayin!
Sapagka’t ang tao ay may dalwang uri
Mayr’ong mababait at saka salbahe;
Ipagdasal nating sa bawa’t sandali
Mabubuting tao ang dapat maghari!