Pinagtulakan kami ng mga guwardiya ng Glorietta!

AKSIDENTE nga ba o sinadya ang pambobomba sa Glo­rietta 2 noong Biyernes na ikinamatay ng 11 katao at nakasugat sa mahigit 100?

Ito ang katanungan ng mga taong nakausap ko. Maaari raw sinadya ang pambobomba sa Glorietta matapos manawagan ang tatlong Obispong Katoliko sa mama­mayan na magsagawa ng ingay upang pababain sa puwesto si President Gloria Macapagal-Arroyo.

Para masapawan umano ang isyu ay nagsagawa ang ilang sipsip kay GMA ng pananabotahe upang maibaling ang panawagan ng mga obispo sa mamamayan.

Halos lahat ng mga mamamahayag ay nasa Makati City at nakita ang malaking insidente na naitala sa bansa. Ito na marahil ang  pinakamalaking  istorya sa Pilipinas ngayong 2007.

Tama lang na ang mga mamamahayag ay mag-unahan sa naturang lugar para makuha ang mga balita at  maiulat sa mamamayan.

Ang Glorietta ay itinuturing na pinaka-sophisticated na mall sa bansa at pag-aari ng Ayala Land Corporation.

Malaking pagkadismaya ang naranasan ng mga mamamahayag na katulad ko nang ituring na parang mga terorista ng mga guwardiya ng Glorietta. Pinagtulakan at binastos kami ng may mga “war shock” na guwardiya habang kami ay nagkokober sa lugar.

Pilit nila kaming hinaharangan sa aming mga puwesto upang maikubli ang lugar na kinukunan ng mga larawan. He-he-he! Pinapakita lamang nila sa amin  na may kaka­yahan silang harangan at ipatupad ang paghihigpit o panggigipit para maitago ang kanilang KAPALPAKAN. Get n’yo mga suki?

Kung naging maagap lamang ang mga may topak na guwardiya hindi sana nagkaroon ng aksidente sa kanilang tinatanuran, Di ba mga suki? At dahil nalusutan sila ng mga tunay na terorista ay kami ang kanilang pinag­balingan. Ginawa nila sa aming hanay ang dapat na ipatupad nila bago mangyari ang pambobomba.

Tama lamang ang inyong mga binitawang salita na “Trabaho-trabaho lang tayo” sa amin dahil ang aming hanay ang nagtungo sa inyong teritoryo upang alamin ang mga pangyayari at upang maiparating sa ating mama­mayan ng sila ay mabigyan ng babala o paalala upang makaiwas sa kapahamakan. Di ba mga ungas?

Dahil sa inyong kapabayaan sa tungkulin ay maraming buhay ang nalagas at nasaktan. Sila ang mga inosenteng mamamayan na tumatangkilik sa establisimentong inyong pinaglilingkuran, he-he-he! Nakakahiya kayo na dapat lang parusahan ng inyong mga bossing. Dapat sa inyo’y itapon sa kangkungan upang hindi na pamarisan. Get n‘yo bugok!

‘Wag kaming mga mamamahayag ang inyong pagdiski­tahan sa pangyayari dahil kami ay tumutupad lamang sa tungkulin na maglingkod sa sambayanan sa pamamagitan ng pagkuha ng istorya at larawan sa mga nangyari.

Dapat lamang ipatupad ninyo ng parehas sa lahat ng antas upang sundin ng aming hanay. Ang style ng mga bugok na ito ay nagkaroon ng palakasan ng mga oras na iyon. Mantakin n’yo habang kami ay nagkukuha ng mga larawan ay tinatabingan kami sa aming puwesto, subalit ang masakit sa lahat ay kung bakit pinayagan nila na maka-lapit ang ilang TV cameramen sa lugar ng insidente. Aba-ngan mga suki at hindi ako titigil sa pagkabkab sa mga kata-  ngahan ng mga guwardiya riyan at kung sino ang nag-utos.

Show comments