Ayusin ang bus terminal

Batu-bato ang tamaa’y h’wag magalit

Dine po sa amin na katabing village

May dalawang malaki na bus companies

Ginawang terminal aywan kung may permit?

 

Ok nga lang sana’t magandang serbisyo

Ang ibinibigay sa commuters dito

Pero malaki rin bigay na perwisyo

At saka ang kalye’y ginigiba nito!

 

At ang masaklap pa nasabing terminals

Ay katabi lamang nang maraming bahay;

Ito’y nasa kalye’t daanang natural

Ng mga resident saka mag-aaral!

 

Nagrereklamo na ang mga resident

Pero ang reklamo’y kanilang kinimkim;

Ayaw na lampasan ang kanilang captain

O kaya’y ang mayor bagong elect mandin!

 

Saka sa umaga lalo’t umuulan

Mga mag-aaral hindi makaraan;

Madalas na sila’y nale-late na lang

Dahil sa matrapik ang daa’y putikan!

 

Mga motorista ay inis na inis

Pagka’t pati sila ay di makaalis;

Sa malalaking bus hindi makasingit

Sa pinapasukan sila’y laging late!

 

Ang sistemang ito ay dapat malaman

Ng aming alkalde at mga konsehal;

May permiso kaya ang pagte-terminal

Sa bakanteng lote’t sa kalyeng daanan?

 

Kaya pasintabi sa mga bus owners

Ang terminal ninyo mangyaring ayusin;

Kayo’y mag-terminal sa loteng bibilhin

At hindi sa kalyeng daan ng commuters!

 

Ngayo’y maganda na ang pamamalakad

Ng bagong alkaldeng marunong, masipag;

Ang mga lansangan ay pinaluluwag

Lahat ng obstruction ngayo’y nilalansag!

 

Sana’y tingnan mo rin alkaldeng marunong

Ang lagay ng aming pinaksang obstruction;

Kung sa aming request aaks’yon ka ngayon

Manunungkulan kang mahabang panahon!

Show comments