SUHULAN na naman ang laman ng balita sa mga araw na ito. Ibinunyag ng limang miyembro ng Kongreso na sinuhulan umano sila ng isang opisyal ng partidong KAMPI — na partido ni President GMA — para i-endorso ang bagong impeachment case na isinulong ni Atty. Roel Pulido. Kasama sa lima ay si Rep. Crispin Beltran at Rufus Rodriguez, na kapwa maka-oposisyon. Mahina ang tingin nang marami sa kasong iniharap ni Pulido, na parang isang “bakuna” para sa Presidente, para hindi na masampahan ng impeachment ng isang taon, kapag ibinasura na ang petisyon niya.
Napakaraming anggulo ang kasalukuyang drama sa pamahalaang ito. Ayon kay Sec. Ronaldo Puno na miyembro ng KAMPI, hindi nila alam ang pinaggagawa ni Francis Ver, na isiniwalat ni Beltran na nag-alay ng suhol sa kanya. Dismayado ang KAMPI kay Ver, kung totoo na ginawa niya ito. Tinanggal na nga siya bilang deputy secretary-general ng KAMPI. Itinanggi naman ni Ver na nag-alay siya ng suhol, pero inamin niya na kinausap niya ang mga Kongresista, na trabaho naman niya bilang opisyal ng KAMPI, na alamin ang mga pangyayari sa Kongreso. Bakit nga naman kailangang suhulan ang isang oposisyon, kung trabaho naman nito ang kumontra sa administrasyon? At tila mga kakampi pa ng Presidente ngayon ang naghahain ng impeachment! Tila pinag-aaway-away ang mga kakampi ng Presidente. Sa giyera, parang “divide and conquer”. Pag-awayin at lupigin. Ang tanong, sino ang nasa likod ng mga kilos na ito?
Wala na talagang katahimikan simula nang magsalita si Joey De Venecia III tungkol sa mga pangyayari sa ZTE/NBN na alam na ng lahat ng mamamayan. Sunod-sunod na rebelasyon ng anomalya, kontrobersiya, kaliwa’t-kanan na paratang at tanggihan. Nakapagtataka nga na may natatapos pang trabaho ang dalawang kamara at ang administrasyon mismo.
Nariyan ang misteryosong kinahinatnan sa ngayon ng relasyon sa pagitan ni Speaker Jose de Venecia at ni Pangulong Arroyo. Ang dalawang ito raw ay hindi naman sanggang-dikit sa kanilang alyansa pulitikal. Interes nilang dalawa ang kanilang inuuna. Nang aking tanungin ang isang taong napakalapit kay Speaker, ang sabi lang ay “May lamat at hindi komportable” ang relasyon sa ngayon ng dalawa. Pihadong may ibig sabihin ito. Marami ang naniniwala ang lahat ng mga kilos ngayon ay tutungo sa pagtanggal kay JDV bilang Speaker.
Nariyan din ang pagtatakip ng kaguluhang ito sa malamang na pagpalusot ng mas malakihan pang ipangungutang ng bayan na CyberEducation Project! Na, ayon kay Ernesto Maceda, dating senador at embahador, ay maaaring mabuo ng ilang daang milyong piso lamang at hindi kailangang umabot ng P26 bilyon ang halaga tulad ng sinasabi ng gobyerno! Ang laki namang kickback niyan kung totoo!
Ang tila malakas na dolyar at stock market ang tanging nagpapahinahon sa ngayon sa publiko sa harap nang maraming iregularidad na nadidiskubre ngayon sa palakad ng administrasyong Arroyo. Ngunit sa mga inilahad ng kolumnistang si Jarius Bondoc ukol sa pag-amin umano ni Sec. Romulo Neri sa kanya na pilit pa ring pinaaprubahan sa kanya ni President Arroyo ang ZTE Broadband Deal (kahit alam na may suhulang nangyari)… malamang na mayanig na naman ang mundo ng Pilipino. Wala na talagang katahimikan.