HINDI pa patay ang Cyber Education Project (CEP) kung iyan ang inaakala nang marami. Isang linggo makaraang sabihin ni President Arroyo na suspendido na rin ang CyberEd project katulad ng NBN project, muli niyang ipinag-utos sa Department of Education (DepEd) na ituloy ang $460-million project.
Nang magsalita si Mrs. Arroyo sa launching ng 2007 Millenium Development Goal Report kamakalawa sa Manila Hotel, sinabi niyang dapat ituloy ang proyekto para magkaroon ng mabuting edukas yon ang mga kabataan. Ayaw daw niyang ang mga kabataan sa malalayong probinsiya ay maging drop out sa school. Kailangan nilang magkaroon nang mabuting edukasyon. Inatasan ni Mrs. Arroyo si Trade Sec. Peter Favila na siguruhing walang magiging hadlang sa implementasyon ng CyberEd project. Si Favila ang makikipagkunsulta sa education task force na pinamumunuan ni Fr. Ben Nebres.
Wala na ngang makapipigil sa proyekto kahit na harangan pa ng tangke o sagasaan ng bagyo. Tuloy na tuloy na ito at ang DepEd sa pamumuno ni Sec. Jesli Lapus ang mangangasiwa.
Pero kasabay nang maigting na pagnanais ni Mrs. Arroyo na agarang maimplement ang proyekto, maraming katanungan ang lumulutang at isa rito ay: Prayoridad nga ba o talaga bang kailangan ang CyberEd sa panahong ito na marami pang dapat asikasuhin ang DepEd? Sa kasalukuyan, maraming problema ang DepEd — kakulangan sa schools, classroom, chairs, mahuhusay na libro at teachers. Problema rin ang mababang suweldo ng mga teacher. Kamakalawa, lumutang ang isa pang mabahong problema na maraming textbooks na nagkakahalaga ng P329-millyon ang hinayaan na lamang na nabubulok at inaamag sa mga bodega at stockroom ng mga eskuwelahan sa may limang regions sa bansa. Habang ang mga estudyante ay naghihiraman at pinagpapasa-pasahan ang isang gulanit na libro, naroon naman pala at maraming naaagnas na libro sa mga bodega.
Kung ang mga problemang nabanggit ay hindi makaya ng DepEd, paano pa ang CyberEd project na malawak ang sakop at nangangailangan ng pagtutok. Kung ganoon, hindi ang CyberEd ang dapat iprayoridad. Maisip sana ito ng DepEd.