TINUTUYA ng ilang grupo si Sec. Romy Neri. Kesyo raw napaka-tapang niya sa Senado sa pagbunyag ng P200-milyong tangkang suhol mula kay Ben Abalos, pero napaka hina rin daw niya dahil hindi masabi ang naging reaksiyon ng among si Presidente Arroyo nang isumbong niya.
Hindi ako panig sa banat na ‘yon. Sapat sa palagay ko ang pagkaka-kilala ko kay Romy mula 1987 para masabing hindi siya duwag. Malimit siyang sumuot sa usaping patakaran, mula nang itatag niya ang Congress Planning and Budget Office nu’ng 1987 hanggang mag-Economic Planning Secretary nitong 1997. Naaalala ko pa nang hikayatin niya akong sumali sa tax-boycott movement niya nu’ng 1990s upang patinuin ang gobyerno.
Sa hindi pagsagot ni Neri sa mga tanong ng mga senador tungkol sa mga pinag-usapan nila ni Gloria Arroyo sa ZTE deal, pinatigasan niya ang executive privilege. Gan’un siya. Kapag may pinanigang isyu, ipaglalaban hanggang sa huli. Tuwang-tuwa ang mga taga-Malacañang sa kanya. Pero kay Romy, ang importante ay ang paninindigan niya. Nagmukhang may mga baho si Arroyo na pinagtatakpan, pero tila balewala sa kanya ‘yon.
Sampung beses kaming nag-usap ni Romy tungkol sa ZTE scam mula Abril. Marami siyang ibinunyag na kakila-kilabot na detalyes. Naisulat ko na karamihan, at napatunayang accurate ako sa mga testimonya nina Romy, Joey de Venecia, Raul Fabella, Noel de Dios at Josie Lichauco. Nu’ng huling pag-uusap namin tungkol sa ZTE, nu’ng Sat. 18 matapos ako mag-testify sa Senado, sinabi niyang magsasalita siya sa tamang oras at lugar. Bahala na kung mapahamak siya, aniya, at naalalang hindi siya mayaman. Ako rin hindi mayaman, paalala ko sa kanya. At sinabihan niya ako na mamamahayag ako kaya ilabas dapat lahat ng katotohanan, ano man ang mangyari.
Nilabas ko ang maraming sinabi niya sa akin. Delikado lahat: Kesyo ipinagpilitan ni Arroyo ang ZTE deal, may isang malaking negosyante na pumatong sa kontrata kaya naging $330 milyon ito mula $262 milyon, at ang $68-milyong dagdag ay napunta sa isang administration party.