MULA nang maitatag ang Philippine National Police (PNP) noong March 31, 1991, labintatlong hepe na ang namuno rito. Una ay si Gen. Cesar Nazareno at ang huli ay si Gen. Oscar Calderon. Kahapon ay nanumpa sa tungkulin bilang ika-14 na hepe ng PNP si Gen. Avelino Razon Jr. Ang tanong ay maging kakaiba kaya ang liderato ni Razon kumpara sa 13 hepe na sinundan niya? Maibalik kaya ni Razon ang dating imahe ng mga pulis na akma sa motto nilang “to serve and to protect” o wala rin siyang magagawa kagaya ng mga naunang hepe? Mabawasan kaya niya kahit na kapiranggot ang dungis na nakakapit sa PNP? Tingnan natin.
Mula nang itatag noong 1991, marami nang mga kontrobersiyang kinasangkutan ang PNP. Isang taon pa lamang na naitatag ay agad nang naglitawan ang mga pangil ng ilang miyembro at naging dahilan para i-relieve sa puwesto si Gen. Nazareno noong 1992. Ang nag-relieve sa kanya ay mismong si President Fidel Ramos na noon ay kauupo lamang sa puwesto. Ibig sabihin, marami na kaagad kalokohang ginagawa ang mga pulis at hindi sila kayang disiplinahin ng kanilang “ama”. Paano nga naman magkakaroon ng silbi ang motto na “to serve and protect” kung ang mga pulis mismo ang gumagawa ng kabuktutan.
Sa kasalukuyan, tinatayang nasa 120,000 miyembro ang PNP. At sa dami ng mga ito, mabibilang na ngayon ang mga pulis na mabubuti kaysa mga “bugok”. At nakatatakot kung mas marami ang “bugok” sapagkat maaaring mahawa ang mga mabubuti. Ang mga “bugok” na pulis ang nagpapasama sa organisasyon sapagkat hinahatak nila patungo sa kumunoy.
Bawat PNP chief na umupo sa puwesto ay maraming pangako. Kabilang na rito ang paglilinis sa hanay at pagsisilbing walang katulad sa katulad sa mamamayan. Pero ito ay sa simula lamang sapagkat kapag nakaupo na, nawawala na ang mga pangako.
Mas maraming scalawags na pulis ngayon na pinasok na ang mundo ng hulidap, drug trafficking, carnapping, sangkot sa illegal jueteng at iba pang masasamang gawain. Karaniwan na lamang ang balita na may pulis na nahuling nangungotong. Ang nakapagtataka ay kung bakit patuloy pa rin at hindi nadudurog ang mga ganitong pulis. Sa pag-upo ni Razon bilang “ama” ng mga pulis may maipakikita kaya siyang pangil sa mga anak niyang scalawags? Abangan natin.