Balak na pagtataas ng suweldo ng Pinay DHs

ANG Pilipinas ay isa sa mga bansa na pinang­gagalingan ng mga mahuhusay na domestic helpers (DHs). Aminado akong mahuhusay tala­ga dahil karamihan sa Pinay DH ay dating teacher at ang iba pa ay may matataas na pinag-aralan.

Napilitan silang mag-abroad sapagkat wa-lang maki­tang magandang trabaho sa Pilipinas. Ang iba naman ay may trabaho nga ngunit maliit ang suweldo. Kaya, kahit na hindi maganda sa pandinig na tawagin silang DH, at nagtitiis ng lungkot at hirap sa malayong bansa, kinakagat na nila ang trabaho. Walang pagpipilian.

Ang masakit pa, hindi rin gaanong kalakihan ang kinikita ng DHs. Ang suweldo ay $200 - $400 kada buwan. Sa bigat ng kanilang gawain at pagsasakripisyo talagang mababa ang ibinibigay na sahod sa kanila lalo na’t ang pagtatrabaho nila ay may kakambal na panganib na katulad nang sila ay nare-rape at minamaltrato ng kanilang mga amo.

Kapuri-puri ang hakbang ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA) sa pagpapalabas nila ng isang polisiya na nag-aatas sa lahat ng mga overseas employers o agencies na itaas ng suweldo ng Pilipina DHs kahit na inaa­ sahan na nila na maaaring bumaba ang recruitment dahil sa bagong requirement ng gobyerno.

Sana ay tumulad ang ibang mga ahensiya ng gobyerno na ang gawain ay may kinalaman sa mga overseas workers para matulungan at ma­bigyan ng proteksyon ang OFWs. Dapat ding magmabilis ang mga opisyal ng bansa na magsagawa ng mga programa para umunlad na ang Pilipinas at hindi na maghanapbuhay sa ibang bansa ang mga Pinoy.

Show comments