SARI-SARI nang palusot ang ginamit ng Department of Transportation and Communication para itago sa publiko ang ZTE contract. Nu’ng Marso, palihim na in-award sa kompanyang Tsino ang “priority project” kuno na national broadband network na halagang $330-milyon (P16-bilyon). Nang umangal nu’ng Abril ang mga kakompetensiyang Amsterdam Holdings Inc. at Arescom Inc., sinabi ng DOTC na kesyo masyado silang abala sa paghahanda sa pirmahan sa China. Nu’ng Mayo, basta nagtahimik lang sila. Nu’ng Hunyo, biglang sinabing ninakaw kuno ang “dadalawang kopya” sa hotel room ilang oras matapos ang pirmahan (parang si Lintang Bedol nang ipalusot na ninakaw kuno ang Maguindanao election returns nang malapit nang mabisto ang kabulaanang landslide ng lahat ng admin senatorial candidates). At ngayon naman, ayon sa full-page newspaper ads ng DOTC, confidential kuno ang kontrata kaya hindi mailabas-labas.
Aba’y nu’ng Hunyo 20 pa sa isang forum sa Ateneo, nang “ibunyag” ni DOTC Asec. Lorenzo Formoso ang kagila-gilalas na pagnakaw, humingi na ng kopya si AHI lawyer Marinelle O’Santos, si Peter Wallace ng foreign chambers of commerce, si dating transportation secretary Josie Lichauco, si dating finance secretary Ernest Leung, at ang forum organizer na Action for Economic Reform (at ako rin). Ani Formoso mami migay siya ng mga kopya dahil na-”reconstitute” naman ang nawawalang papeles. Hindi siya tumupad. Ni hindi siya makontak sa Telecoms Office.
‘Yun pala, confidential daw kasi ang mga aspetong tekni kal ng deal.
Isa itong kahunghangan. Sa pribadong kontrata, puwedeng sabihing confidential ang mga technical specifications. Pero sa bilihing gobyerno na babayaran ng mamamayan, walang dapat itago. Utos ng Konstitusyon sa gobyerno ang ganap na transparency (pag-amin) sa lahat ng bagay na may kinalaman sa interes ng madla. May interes ang publiko sa ZTE deal dahil mamamayan ang magbabayad — sa loob ng 20 taon at mataas na interes — ng uutanging pambayad na $330 milyon (P16 bilyon) sa ZTE Corp. (Ang kickbacks, kukubrahin agad ng mga kawatang nagpakulo ng kontrata.)