MABIGAT na problema ng Pilipinas ang illegal na droga. Sa kabila na maigting ang kampanya ng pamahalaan laban sa mga drug traffickers, marami pa rin ang nakalulusot at naikakalat ang kanilang masamang produkto. Ang Pilipinas ay ginagawa nang santuwaryo ng mga drug traffickers sa Southeast Asia. Mabilis maipasok dito ang illegal drugs, halimbawa ang methampetamine hydrochloride o mas lalong kilala sa tawag na bushab o shabu. Isang dahilan kung bakit mabilis makapag-operate ang mga drug traffickers ay ang malambot na batas at ang talamak na corruption. Madaling tapalan ng pera ang mga pulis at mga ahensiyang nagpapatupad ng batas. Bihira na ang mga alagad ng batas na tumutupad sa kanilang tungkulin.
Kabilang sa mga alagad ng batas na tumupad sa kanilang tungkulin ay ang mga nakadakma kay dating Panukulan Mayor Ronnie Mitra habang tina-transport ang may kalahating toneladang shabu noong October 13, 2001 sa Real, Quezon. Kamakalawa ay nahatulan na ng habambuhay na pagkabilanggo si Mitra at ang ambulance driver na si Javier Morilla. Bukod sa habambuhay na pagkakulong inutusan ding magbayad ang dalawa ng P10 milyon bawat isa.
Inabuso ni Mitra ang kapangyarihan dahil sa shabu. Malaking pera ang nakataya sa kalahating toneladang shabu. Ginamit niya ang ambulansiya para pang-deliber ng shabu. Ang ambulansiya ay pag-aari ng bayan subalit dahil sa matinding paghahangad ni Mitra na kumita pa nang limpak ginamit niya ito. Naisip marahil niya na hindi papansinin ng mga maykapangyarihan ang ambulansiya. Pero nagkamali si Mitra, sapagkat isang impormante ang nagpahatid sa Philippine National Police at National Bureau of Investigation. Nag-setup ng checkpoint sa highway ng Real ang mga alagad ng batas at nadakma si Mayor. Nasa Starex van si Mitra kasama ang kanyang aide. Ang ambulansiya na kinalalagyan ng mga shabu ay pinara sa checkpoint at doon na nabuking ang masamang “pro dukto” na dala ni Mitra. Maski ang Starex van ay mayroon ding nakaimpakeng shabu. Handa nang ipagbili ang mga shabu sapagkat nasa isang lalagyan na o sachet.
Nararapat lamang ang parusa kay Mitra. Pero kung tutuusin dapat, bitay o firing squad ang parusa sa mga drug traffickers. Sila ang mga salot na dapat unahin ng pamahalaan para wala nang mapinsalang buhay.