ISA sa mga reporter namin sa ABS-CBN ang na-food poisoning matapos uminom ng kape sa Chowking Tutuban. Nang maubos ang kape, napansin niyang may dalawang mala-munggong hugis sa ilalim ng tasa niya. Nang ireklamo sa staff at manager ng Chowking, ang sabi ay coffee beans lang daw iyon. Pero minabuti na rin ng reporter na ipasuri ang nilalaman nung tasa at ayun, dumi ng daga pala! Aaaaaaaaagh! Na-ospital ‘yung reporter pagkalipas ng ilang araw dahil sa sakit ng tiyan at pagdudumi. Sinagot naman ng Chowking ang lahat ng gastusin sa ospital. Pero kinikilabutan pa rin ako hanggang ngayon!
Heto tayo na pinag-iinitan natin ang mga pagkain at produktong gawang China, kesyo marumi, may kemikal. Pero tayo mismo hindi naman din malinis at maingat sa paghanda ng pagkain! Nang imbestigahan pa ang kainan, nalaman na wala pa pala itong sanitary permit! Dahilan naman ng Sanitation Department ng Manila City Hall, inabot sila ng eleksyon at kakulangan ng tao kaya hindi pa mabigyan lahat ng permit. Eh hindi ba halos mag-tatatlong buwan nang tapos ang eleksyon? Nasa ilalim ba ang Sanitation Department ng Comelec, kaya mabagal din kumilos? Helleeer! Mayor Lim, baka naman puwede mong halughugin ang mga tao mo sa munisipyo, at hindi lang sa lansangan!
Mahalaga ang kalinisan kapag naghahanda ng pagkain. Hindi pwedeng maliitin ang simpleng paghuhugas ng mabuti ng mga kamay bago humawak ng anumang pagkain. Lalo na sa isang restoran, kung saan madalas mabilisan ang paghahanda. Maraming puwedeng makaligtaan habang nagluluto o humahawak ng pagkain. Hindi lang simpleng food poisoning ang puwedeng mangyari, kundi pati na rin mga nakamamatay na kundisyon tulad ng botulism at sepsis. Mas delikado pa kapag bata ang tinamaan. At bukod sa malinis ang mga kamay, kailangan pati ang mga paligid ay malinis. Aba! Ang kusina dapat kasing linis ng isang operating room ng ospital. Ang mga gamit dapat hindi pinababayaang marumi o gamit. Sa mainit na tubig dapat mahugasan ang mga kagamitan. Kung pwedeng i-sterilize mas mainam. At hangga’t maari, nakatago o nakatakip ng mabuti ang mga kagamitan. Halimbawa sa kasong ito, paano nakapagbanyo iyong daga sa tasa ng kape? Nakalabas kasi ang mga tasa at pinggan nang walang takip! At may mga butas sa kisame at sahig na daanan ng mga daga! Kung nakatago ito ng maayos, hindi siguro nakapag may I go out yung daga! Dapat siguro magdadala na lang ako ng sarili kong tasa kapag mag-kakape sa labas! Nakow, nakikita ko na ang management ng Chowking na kilala kong maayos na pamunuan naman…dinadaga na rin ang dibdib sa magiging epekto nito sa negosyo nila.