MUKHANG hindi pa tapos ang labanan nina Cebu Rep. Pablo Garcia at House Speaker Jose de Venecia.
Balita ko, nagsimula nang italaga ni de Venecia bilang chairmen ng mga “juicy committees” ang mga sumuporta sa kanyang muling hirit sa speakership ng Kamara de Representante.
Kinukuwestyon ng kampo ni Garcia ang muling pagkakatalaga ni JDV bilang speaker dahil hindi umano dumaan sa tamang proseso. Magugunita na sa pagbubukas ng 14th Congress, si Garcia mismo ang tumangging magpa-nominate sa botohan sa speakership dahil tinawag niya ito’ng “sham proceeding.”
Kaya naman ang kampo ni Garcia ay bumuo ng tinatawag na “reform bloc” sa Mababang Kapulungan para magtanod laban sa ano mang katiwalian. Maganda sana iyan kung ang layunin ay hindi nakatuon sa “vendetta” o paghihiganti. It’s always good to have a watchdog that means well. At sana naman, si de Venecia bilang pinuno ng Kamara ay huwag pulos kaalyado ang itala-gang mamumuno sa mga importanteng komite at iitsapuwera yung mga sumuporta kay Ka Pablo.
Sana, sana lang— huwag nang magresulta sa pagkabalda ng Kongreso ang iringang ito. Baka dahil diyan, mahadlangan ang pagsasabatas ng mga importanteng lehislasyon. Ang nakalulungkot, ang mga kampong nag-aalitan ay parehong kaalyado ng Pangulo. Ang coalition ng Lakas-CMD at ang sariling partido ng Pangulo na KAMPI. Baka ang kalabasan, imbes na Lakas-Kampi ay maging Kalas-kalas-Kampi-kampi.