Oversight

NANG muling tanggapin ni Manuel Villar ang hamon ng pagkapangulo ng Senado, pinangako niyang magpa­patuloy ang mga imbestigasyon ng anomalya kahit pa harangin ng Malacañang ang mga kalihim sa pagdalo dito. “We will continue to carry out our investi­gative duties as part of our power of oversight. Shenanigans in govern­ment should never be condoned,” ani Villar

Kasama sa kapangyarihang mag-ukit ng batas ang obligasyong siguruhin na ito’y pinatutupad nang wasto. Sa mismong Saligang Batas, ang kapangyarihang i-approve ang gastos ng gobyerno, ang paggawa ng posisyon at opisina ng kawani ng pamahalaan, at ang pag-imbestiga ay ilan lang sa mahalagang “OVERSIGHT function” ng Kongreso.

Ang pag-imbestiga at ang pagpatawag ng hearing ng Committee sa mga operasyon ng ibang sangay ng pama­halaan ay ang tradisyonal na paraan ng paggamit ng oversight. Mahalagang malaman ng ating halal na mamba­batas kung ang mga programang pinondohan ay nagkakaresulta at kung gaano katapat ang pagganap ng mga opisyal ng kanilang tungkulin na inilatag ng batas. Mula naman sa publiko ay importanteng malaman ang tindi o kawalan ng suporta para desisyunan kung ang programa’y ipagpapatuloy pa.

Kapag i-abandona ng Kongreso ang mahalagang “OVERSIGHT role” na ito ay parang niregalo na nila ang interpretasyon at patupad nito sa kiyeme ng mga opisyal na wala namang mando sa bayan.

Sa nakalipas na 6 years, ang Senado lamang ang naging seryoso sa pagpapatupad ng katungkulang ito. Sa mga mahalagang usaping pambansa, hindi na uma­asa si Juan de la Cruz na kikilos ang Mababang Ka­pulungan upang imbestigahan ang kalokohan sa pamahalaan. Tanging sa plenaryo na lang sa pama­magitan ng privilege speech nailalabas ang baho. Tapos nun, wala nang aksyon ang mga Committee. Ang nang­ya­yari pa nga, yung nag­ bu­bulgar pa ng katiwalian ang pinana­nagot tulad ng nang­yari kay Alan Peter Cayetano.

Ang Senado ang nati­tirang huling de­pen­sa laban sa abuso ng gob­yerno. Ito ang nagsi­silbing ilaw na nagbi­bigay liwanag sa madilim na transak­syon. Tama si Villar sa kanyang ma­prin­sip­yong dekla­rasyon na hindi tatalikuran ng Senado ang matim­bang na tungkuling ito.

Show comments