Itutuloy ni Jinggoy ang aking mga panukalang batas

SA mga sumuporta sa aking mga panukalang batas na hindi napagtibay ng nagdaang 13th Congress, ‘wag po kayong mag-alala. Ipinangako ng aking panganay na anak na si Sen. Jinggoy Estrada na kanya itong isusulong sa 14th Congress.

Ang 150 na naiwan kong mungkahing lehislasyon na magbibigay ng malaking benepisyo sa ating bansa, lalo na sa mahihirap na Pilipino, ay kabilang sa kabuuang 440 na panukala na inihain ni Jinggoy sa Senate Bill and Index division.

Isa sa mga ipinanukala ko ay ang pagpapababa ng presyo ng mga gamot sa hypertension, diabetes, at kidney disease na nahihirapan ang marami sa ating mga kababayan na bilhin. Bilang isang doktora, sadyang nauunawaan ko ang pagdurusa ng mga nagkakasakit pero walang sapat na pambili ng gamot.

Ang aking mga panukalang batas ay kumakatawan sa aking advocacy o krusada para protektahan at paunlarin ang kalusugan, kalikasan (environment) at karapatang pantao ng bawat mamamayan.

Tuwang-tuwa ako na ipagpapatuloy ni Jinggoy ang aking advocacy.

Ang lahat din ng mga panukala ni Jinggoy ay nakatuon sa pagpapagaan at pagpapahusay ng buhay ng mga Pilipino tulad ng pag-exempt sa VAT ng mga gamot para sa senior citizens; dagdag na benepisyo sa mga barangay tanod; pagtatalaga ng health workers sa bawat barangay; pagpapalakas ng industriya ng pelikulang Pilipino at scholarship para sa mahihirap na kabataan.

Isinusulong din niya ang proteksyon para sa mga ma­mamahayag at ang benepisyo para sa mga pulis.

Kahit nagretiro na ako sa pulitika, makaaasa kayo na sa pamamagitan ni Jinggoy ay magtutuluy-tuloy ang pag­sulong sa Senado ng mga pa­nukala na kailangang-kaila­ngan ng publiko, lalo na ng mga ordinaryong mama­mayan.

* * *

Para sa mga suhestiyon o komento, maaari kayong mag-e-mail sa doktora_ng_masa @yahoo.com

Show comments