Sisihin si Gov. Sally Lee at Gen. Calderon sa talamak na jueteng sa Sorsogon

HABANG patuloy ang operation ng jueteng ni Leony Lim sa Sorsogon, ang napapahiya ay si PNP chief Dir. Gen. Oscar Calderon. Matatandaan n’yo mga suki na si Calderon ay abot langit ang pagyayabang na ipasasara niya ang jueteng sa termino n’ya. Subalit kabaligtaran ang nangyari kasi imbes na magsara, eh yumabong pa ang jueteng nga. Kahit tunghayan n’yo ang mga balita sa diyaryo. tv at radyo, aba jueteng ang pinag-uusapan at mukhang si Calderon na lang ang hindi nakaaalam. At higit sa lahat, hindi rin ipinapatupad ni Calderon ang ‘‘one strike’’ policy niya. Di ba ni-raid na ni Sr. Supt. Joel Ordona ang jueteng ni Leony Lim sa Gubat, Sorsogon? Pero may nangyari ba sa provincial director doon na si Sr. Supt. Regondola? Aba, sa puwesto pa siya ah? Kaya maliwanag mga suki na moro-moro lang ang kampanya ni Calderon sa jueteng at alam ’yan ng mga bataan       niya na sina Art Atayde at Atty. Joel Descallar, alyas Atty. Baltazar.

Para sa kaalaman ni Calderon, ang governor ng Pam­panga na si Eddie Panlilio ay nag-utos nang malawakang kampanya laban sa jueteng. Gan’un din si Isabela Gov. Grace Padaca at Ifugao Gov. Teddy Baguilat Jr. Eh kung walang jueteng sa Pampanga, Isabela at Ifugao Gen. Calderon Sir. bakit mag-uutos ng kampanya ang tatlong governor? Maliwanag na may jueteng sa nasasakupan nila, di ba mga suki? Hindi ko masasabing namamalik-mata lang sina Panlilio, Padaca at Baguilat dahil tiyak mga laking kalye sila. Si Panlilio ay dating pari saman­talang sina Padaca naman at Baguilat ay mga journalist. Kung laban sa jueteng sina Panlilio, Padaca at Baguilat, bakit ayaw naman silang pamarisan ni Sorsogon Gov. Sally Lee? Ka babaing tao eh patong sa jueteng ni Leony Lim, di ba mga suki? Para hindi maakusahan na patong siya sa jueteng, aba dapat mag-utos din ng kampanya laban dito si Sorsogon Gov. Sally Lee tulad ng ginawa nina Panlilio, Padaca at Baguilat sa probinsiya nila, di ba mga suki?

Halos tatlong buwan na lang sa puwesto itong si Calderon, pero nakikita ko sa kalye, mukhang inutil siya kung ang pagsupil sa jueteng ang pag-uusapan. Ilang araw pa lang matapos niyang i-assume ang top PNP post, aba nagtatalsikan ang laway ni Calderon na gigibain nya ang jueteng pero kabaligtaran ang nangyari, di ba Col. Nieves Sir? Totoo ba na itong si Nieves ay kakutsaba rin nina Art Atayde at Atty. Descallar o Atty. Baltazar sa pagbubukas ng jueteng sa bansa? Si Nieves ang ibinabalita na bagman ni Calderon sa jueteng, ayon sa mga kausap ko sa Manila Police District (MPD). Totoo kaya ’to?

Kaya habang nagdurusa ang taga-Sorsogon sa boka operation ng jueteng ni Leony Lim, wala na silang dapat sisihin pa kundi ang governor nila na si Sally Lee at si Calderon. Kaya sa susunod na election, dapat husgahan na nila si Gov. Sally Lim. Si Calderon? Moro-Moro lang ang kampanya ni Calderon laban sa jueteng at hindi na dapat ma-extend pa siya, di ba President Arroyo Ma’am?

Abangan!

Show comments