ANG Philippine National Police na rin ang nagsabi na bumaba ang crime rate sa Metro Manila sa mga nakaraang buwan. Pero hindi yata tumutugma ang kanilang pahayag sa pagbaba ng kriminalidad sapagkat mismong ang isang miyembro nila ay naging biktima ng mga “halang ang kaluluwa” sa lansangan. Mismong pulis ang inuupakan at wala rin naman kaagad makarespondeng pulis sa oras ng pangangailangan. Dito makikita ang kahinaan ng PNP. Nasaan sila sa oras ng kagipitan.
Namamasada ng kanyang van si Supt. Joven Bocalbos sa Commonwealth Ave., Quezon City noong Miyerkules ng gabi nang holdapin ito ng limang lalaking nagpanggap na pasahero. Nilimas ng limang holdaper ang mga pera at alahas ng pasahero. Napansin ng isang holdaper ang naka bukol sa tagiliran ni Bocalbos at nang malaman na iyon ay baril, agad siyang binaril sa ulo. Isa sa mga holdaper ang nagmaneho ng van makaraang barilin si Bocalbos. Dinala ang van sa Mandaluyong at iniwan sa Shaw Boulevard at saka mabilis na nagsitakas. Isa sa mga pasahero ang nagdrive ng van at dinala ang pulis sa pinaka-malapit na ospital pero dead on arrival na ito.
Si Bocalbos ay kahihirang lamang na deputy chief of police ng Makati. Para madagdagan ang kinikita, ipinapasada nito ang van. Tatlo ang anak ni Bocalbos. Sa marangal na paghahanapbuhay niya sinapit ang malagim na wakas.
Kung ang isang pulis ay walang awang pinapatay na mga masasamang loob, gaano pa ang isang karaniwang mamamayan. Ang nangyari kay Bocalbos ay malaking hamon sa pamunuan ng PNP para lubusan pang paigtingin ang paglipol sa mga masasamang loob. Hindi dapat ang ningas-kugong kampanya sa kriminalidad.
Madalas makita ang mga naka-motorsiklong SWAT kung kaliwanagan ng sikat ng araw pero nakapagtatakang nasaan sila sa gabi na kailangang-kailangan ng mamamayan. Kadalasang sa gabi gumagala at nambibiktima ang mga masasamang loob at wala naman ang mga pulis. Nasaan na ang PNP mobile bus na sinasabing rumeresponde sa oras ng kagipitan. Wala na? Ningas-kugong kampanya kaya pati pulis ay nabibiktima na.