ISANG guro na naman sa Batangas ang nagbuwis ng buhay. Sino ang makalilimot sa guro na si Mrs. Tatlonghari na binaril ng mga di-kilalang lalaki noong election noong 1992 nang ayaw ibigay ang ballot boxes na kanyang binabantayan. Walang awang binaril si Mrs. Tatlonghari. Ang pagpatay sa bayaning guro ay kinondena. Kinilala ang ginawa niyang kabayanihan. Hanggang ngayon ang pangalan niya ay sinasambit-sambit pa.
Ngayong 2007 elections, isang guro na naman ang namatay habang tumutupad ng tungkulin. Pero mas malagim ang sinapit ni Nellie Banaag, guro sa Pinagbayanan Elementary School sapagkat sinunog ang kanilang eskuwelahan na pinagdadausan ng canvassing ng mga balota. Nilusob ng mga armadong kalalakihan ang school dakong alas tres ng madaling-araw noong Martes at pinadapa sina Banaag at mga poll watchers sa sahig. Habang nakadapa sa sahig sina Banaag, binuhusan ng gasoline ang dingding ng school at sinindihan. Mabilis na tumakas ang mga suspect. Nagkagulo sa loob ng school at nag-unahan sa paglabas ang mga tao. Pero hindi agad nakalabas si Banaag at ang poll watcher na si Leticia Ramos. Natupok ang kawawang guro at ang poll watcher. Kabilang sa mga nasugatan ay ang anak ni Banaag na si Richelle.
Sa pangyayaring ito ay minsan pang napatunayan na laging nasa hukay ang kaliwang paa ng mga guro. Tuwing election ay nakaamba sa kanila ang panganib. Nakita rin naman na walang nagawa ang mga pulis sa Taysan para bigyan ng proteksiyon ang mga taong nagdaraos ng canvassing. At lalo namang dapat sisihin ang Commission on Election sapagkat tila hindi nakipag-coordinate sa pulisya ng nasabing bayan. Nasaan na ang sinasabing mayroong ugnayan ang Comelec at pulisya? Sabi kamakalawa ng PNP, ang 2007 elections ay generally peaceful. Nagpapatawa ba ang PNP? Paano magiging payapa ang election na pawang patayan ang nangyari.
Nagbuwis ng buhay ang guro na si Banaag at dapat naman siyang ayudahan nang todo ng Department of Education. Hindi dapat masayang ang kanyang kabayanihan.