Ang kwentong ito ay ipinarating sa amin ni Salome Quine ng Cainta, Rizal nang magpunta sa aming tanggapan. Nais nilang humingi ng tulong hinggil sa nangyari sa kapatid nito.
Tubong Buenevista, Quezon ang biktimang si Alfonso Quine, 39 taong gulang at nang makapag-asawa at nagkatrabaho dito na sila sa Maynila nanirahan. Buwanan kung bumisita si Alfonso sa kanilang probinsiya dahil nagbibigay din siya ng panggamot para sa ina nitong si Concordia.
Ika-23 ng Disyembre 2006 nang umuwi si Alfonso sa bahay ng kanyang ina sa Brgy. Cabong, Buenevista, Quezon. Tuwing Pasko ay kapiling nito ang kanyang ina habang ang kanyang asawa, si Ofelia at dalawang anak naiwan sa kanilang bahay. Nakaugalian na ni Alfonso ang magbigay sa mga kamag-anak at malalapit ng kaibigan ng regalo kabilang na dito ang mga kababata niyang si Lilian at ang asawa nitong si Agapito Rosales alyas Jopet na suspek din sa pagpaslang sa biktima.
Bisperas ng Pasko, ika-24 ng Disyembre tatlong babae na pawang mga kababata ni Alfonso ang nag-imbita dito para mag-inuman, ang dalawa dito ay sina Lilian, Ema Dinglasan at Loida Aldovino. Sa bahay ng ina ni Lilian nag-inuman ang mga ito. Habang nag-iinuman dumating ang asawa ni Lilian, si Agapito bandang alas-12 ng madaling araw. Tinawag siya nito upang paglutuin sabay kinuha ang cellphone subalit hindi naman ito sumama sa kanya.
Bandang alas-2 ng madaling araw nang matapos ang inuman. Nagsimba rin ang mga ito pagkatapos ay nagsi-uwian na ito sa kani-kanilang bahay.
Bandang alas-3 ng madaling araw noong ika-25 ng Disyembre 2006 nakarinig ang isa sa mga kapatid ng biktima, si Liberatra na may ingay sa labas ng kanilang bahay habang ito ay natutulog at doon ay nakita nito na ang suspek na si Agapito ay may dalang tubo kasama ang dalawang lalaking hindi naman nakilala. Ilang sandali pa lamang ang nakalipas, may tumawag sa cellphone ni Alfonso pagkatapos ay lumabas na ito ng bahay at hindi na nakabalik. Wala namang ibang inisip ang mga kaanak ng biktima na may masamang nangyari dito sapagkat kilala naman ito sa kanilang lugar.
Subalit labis namang ikinababahala ng ina nitong si Concordia na hindi pa bumabalik ng bahay si Alfonso ng bandang alas-9 ng umaga. Hindi naman daw inugali ng biktima ang umalis ng hindi nagsasabi sa ina nito kaya naman noong makapananghalian ay nagsimula na ang mga kaanak ni Alfonso na ipagtanong kung nakita nila ito. Wala namang makapagsabi kung nasaan na ang biktima kaya nagpatuloy pa rin sila sa pagahhanap.
"Nang hindi nila ito makita sa karatig barangay sa aming lugar sinabi rin ng nanay ko na hanapin naman ito sa dagat o ilog dahil nanaginip daw siya na may humihingi ng tulong sa kanya dito," kuwento ni Salome.
Maghapong hinanap si Alfonso subalit hindi nila ito natagpuan. Alas-8 ng umaga ng ika-26 ng Disyembre 2006 nakabalita ang kapatid ni Alfonso, si Elpidio na nakita ni Pepe Cortes sa mangrove area na naka-underwear lang si Agapito kung saan naghinala na ang pamilya ni Alfonso.
Alas-10 ng umaga nang matagpuan ang bangkay ni Alfonso sa isang ilog sa boundary ng Brgy. Cabong Buenevista at Cabong Guinyangan kung saan ilang metro ang layo na may nakakita kay Agapito na naroon sa lugar na ‘yon. Nakabalot sa kulay berdeng lambat ang katawan ng biktima, nakapulupot din sa leeg nito ang polythelene roof at nakalubog sa tubig na kinaroroonan ng puno ng bakawan.
Sa pagsisiyasat ng mga pulis, usap-usapan sa kanilang lugar na matagal ng nagseselos si Agapito sa biktima dahil sa pagiging magkaibigan ng kanyang asawa at ni Alfonso. Nang damputin si Agapito para imbestigahan ay nakatakas na ito. Si Alvin Porlay naman habang iniimbestigahan ng mga pulis ay nagbigay ng kanyang pahayag na si Agapito ang responsable sa pagkamatay ni Alfonso. Natutulog na siya noon nang puntahan siya ni Agapito sa kanilang bahay. Nakita na lamang niya na nakahandusay si Alfonso at sinabi sa kanya ni Agaptio na hinataw niya ito ng tubo dahil may atraso sa kanya ito. Sinabi nitong sapilitang pinatulong ng suspek na itago ang biktima sa ilalim ng ilog. Binabagabag naman siya ng kanyang konsensiya sa nangyaring krimen.
Sa isinagawang pagsusuri ni Dr. Antonio Vertido ng NBI lumabas na "TRAUMATIC ABDOMINAL INJURIES, SEVERE" ang naging dahilan ng pagkamatay nito. Nagsampa ng kasong Murder ang pamilya ng biktima laban kay Agapito. Mariin namang itinanggi ng suspek ang akusasyon laban sa kanya. Sinasabi niyang wala siyang kinalaman dito dahil hindi naman sila nagkaroon nng anumang away sa pagitan nila ng biktima. Umaasa silang mabigyan ng hustisya ang brutal na sinapit nito at mapabilis ang proseso ng kaso.
Para sa mga biktima ng karahasan, pang-aabuso o anumang krimen o legal problems maaari kayong tumawag sa 6387285 o ’di kaya’y sa 6373965-70. Maaari din kayong magtext sa 09213263166 o 09198972854. Ang aming tanggapan ay sa 5th Floor City State Center Bldg., Shaw Blvd., Pasig.