Hindi lumang isyu ang pagsulong ng karapatan ng kababaihan. Sabihin nang bago ang milenyo at nag-iba na ang imahe ng dalagang Pilipina. Ang dating si Maria Clara, ngayo’y "Marie Claire" na. Kahit moderno na ang Pinay, adhikain pa rin dapat ng pamahalaan ang siguruhing hindi siya napag-iiwanan sa benepisyo lalo na’t hindi ito ligtas sa perwisyo. Kaya’t kailangan mabalik ang isang NIKKI Coseteng, NatatangIng Kampeon ng KababaIhan, sa Senado.
Si NIKKI ay SIGA na Senadora (leading lady yata yan ni ERAP sa pelikula.). Kung tingna’y akala mo’y manikang porselana (nag-iisang kandidatong may lahing Chinese). Sa bihis, talo pa ang mga fashion model. Subalit kung manindigan, lalo na sa mga isyu ng kababaihan, kahit isang Miriam o Eva Kalaw tatapatan. Wala sa bukilya ang kanyang tapang  nasa paniwala. Kaya’t hindi malimutan ng bansa ang kanyang pakikibaka sa parliamento ng lansangan nung 1st Quarter Storm. Maging sa pribadong sektor, si NIKKI ang kauna-unahan at, hanggang ngayon, kaisa-isang babaing naging Manager ng isang PBA team – naging Bise-Presidente pa nga ng PBA. At sa halos lahat ng mahalagang laban ng kababaihan, nandun si NIKKI, nangunguna.
Si NIKKI na graduate ng U.P. (Journalism) at dating Congresswoman ng Quezon City (ang daming former Q.C. Officials: Sotto, Defensor) ay nagsilbi ng marangal sa Senado ng dalawang termino. Marami pa siyang mai-aambag sa ating kinabukasan.
NIKKI COSETENG Kwalipikasyon:80/Plataporma:90/Rekord:90 Total: 86.7
BAUTISTA, Doktor sa Senado. Graduating na sina Senador Juan Flavier at Luisa Ejercito, ang dalawang doktor sa Senado. Heto ang kapalit –- si Dr. Martin BAUTISTA. Isa sa tatlong Quijote ng Partido Kapatiran, si BAUTISTA ay daliang bumalik sa Pilipinas sa panahong nililisan na ito ng ating kaduktoran. Kung ang mga "trapo", malaking pera ang puhunan, higit na malaki ang isinugal ni BAUTISTA. Mismong ang magandang katayuan sa Amerika ang sinakripisyo para sa tsansang maglingkod sa bayan. Anong pag-ibig pa ang hihigit kaya?