Nakahihilakbot ang tagpong nakasakay sa isang six-by-six truck ang mga katawang walang ulo at tinakpan lamang ng mga dahon ng saging. Dalawa sa anim na pinugutang construction workers ay katatapos lamang ng high school at kaya nagtatrabaho sa construction ay para may maitustos sa kanilang pag-aaral. Ang isa naman ay nagtatrabaho para may maipagpaaral sa kanyang mga kapatid. Pawang taga-Zamboanga ang mga constructions workers. Nang maihatid sa kani-kanilang mga mahal sa buhay ang mga bangkay, tila naguho na ang mundo para sa kanila. Ang misis ng isa sa mga biktima ay hindi mailarawan ang hinagpis na nadarama. Nagmakaawa pa raw siya sa isang Sayyaf na dumukot na huwag patayin ang kanyang asawa sapagkat marami silang anak. Tumawag umano sa cell phone ang Sayyaf at nagde-demand ng ransom. Pagkaraan niyon ay umiyak pa nang umiyak ang misis. Tila ba hindi pa rin siya makapaniwala na patay na nga ang kanyang asawa.
Marami nang pinatay na sibilyan ang mga Abu Sayyaf at marami pa silang papatayin kung hindi pa sila malilipol. Ngayon na ang tamang panahon para magtulung-tulong ang komunidad at ang military para sa ikadudurog ng mga terorista. Ang ginawa nilang pagpatay sa mga kawawang trabahador ay hindi na dapat masundan pa.
Sa report, maraming mamamayan sa Sulu ang galit na galit sa ginawa ng Abu Sayyaf. Maski ang mga Muslim religious leaders ay kinokondena ang ginawang pagpatay. Mas maraming kaaway ngayon ang mga mamamatay-taong Abu Sayyaf. Kung noon ay may mga sumusuporta sa kanila, ngayon ay wala na.
Pagtulung-tulungan ang Sayyaf. Tulungan ang military para madali silang malipol.