Ang tingin ngayon ng marami ay pera-pera ang usapan. Kung ibig mong masali at lumutang ang pangalan sa survey, magbayad ka. Di nga ba nasabi ko sa nakaraang kolum na umaalma si Senatoriable John O. porke inilalaglag daw siya ng Pulse Asia papalayo sa winning circle?
Kinuwestyon kamakailan ng bantog na financial whiz kid na si Ray Orosa ang integridad ng mga surveys. Eksperto sa numero at social science si Orosa. Matali-nong tao kaya balido at di matatawaran ang kanyang argumento. Apolitical din ang pahayag ni Orosa porke wala siyang kinikilingang partido. Aniya, ang oposisyon at administrasyon ay puwedeng gumamit ng ganyang estilo ng survey para makuha ang gustong resulta.
Partikular na binatikos ni Orosa ang SWS survey noong Marso na aniya ay halatang-halata na ang layu-nin ay idiin at sakalin ang administrasyong Arroyo. Ang ultimong motibo ay ilaglag ang mga kandidato ng administrasyon. Sa pananaw ni Orosa, hindi patas ang naturang survey at may maitim na balak. Ang bias at pagkiling ng mga tanong ay halata. Aniya, basurang sagot sa basurang tanong.
Pati ang COMELEC ay duda na rin sa integridad ng dalawang pollster porke hindi nila maipaliwanag ang sistemang ginamit sa pagkuha ng resulta. Kadalasan, ang mga taong hindi masyadong nakakaunawa sa paraan ng surveys ay bow na lang ng bow sa resulta at masama ang ibubunga niyan. Baka sa dakong huli, ang resulta ng eleksyon ay hindi tugma sa mga survey results kaya yung mga naniwala sa survey ay magngingitngit sa galit. Resulta  social unrest.
Iyan ang dahilan kung bakit hindi matapus- tapos ang gusot-politikal sa bansa.