Ang kuwentong tampok para sa araw ay tungkol sa isang anak na handang ipaglaban at ipakita ang lahat "SA NGALAN NG INA."
Nagsadya sa aming tanggapan si Lilia Seradji ng Quezon City upang humingi ng tulong na mahuli ang suspek sa pagkamatay ng kanyang anak.
Barangay tanod sa kanilang lugar sa Culiat, Tandang Sora, Quezon City ang biktimang si Marshal Seradji. Namamahala din ito sa kaayusan at katahimikan ng kanilang barangay. Madalas ding napapasama siya sa mga operation ng mga pulis dahil laganap sa kanilang lugar ang pinagbabawal na gamot. Marahil may mga taong nagagalit kay Marshal dahil na rin sa kanyang trabaho. Partikular na rito ang suspek na si Moreno Uraid. Di-umano’y balita sa kanilang lugar ang pagiging talamak sa droga ng suspek.
Ika-1 ng Enero 2005 bandang alas-3 ng hapon sa Muslim Compound, naganap ang insidente. Nagkaroon ng hindi pagkakaunawaan sa pagitan ng biktima at ng suspek.
Dahil sa bagong taon noon marami pa rin ang nagpapaputok. May mga bata na nagpapaputok at sa harap pa mismo ng bahay ng mga Seradji naihahagis ang mga paputok. Lumabas si Lilia upang pagsabihan ang mga batang naghahagis ng paputok malapit sa kanila. Tinanong nito kung sino ang nagpapaputok dahil nakakabingi at nakakaabala sa kanila.
Sa hindi inaasahang pagkakataon, bigla na lamang sumulpot ang suspek na si Moreno at sinagot ang tanong ni Lilia. Sinabi nito na ‘Ako, bakit may angal ka?’ Hindi naman nagustuhan ni Marshal ang isinagot ni Moreno sa kanyang ina kaya lumabas ito.
"Nagising si Marshal at narinig ang sinabi niya sa akin kaya ang ginawa niya ay pinauulit niya kung ano yung sinabi niya," sabi ni Lilia.
Sa pangyayaring iyon, muntik nang magpambuno sina Marshal at Moreno. Mabuti na lamang ay naawat ang mga ito. Nagbanta si Moreno at sinabi nito sa biktima na ‘May araw ka rin! Magkikita pa tayo.’ Hindi na sumagot si Marshal upang hindi na lumala ang gulo sa pagitan nila. Sinabihan naman ng ama ng biktima, si Ladjabassal na pumasok na lamang sa loob ng kanilang bahay na sinunod naman nito.
Ilang sandali ang lumipas nang may mga kaanak ang suspek na pumunta sa bahay ng mga Seradji upang humingi ng dispensa at pagkasunduin ang dalawa. Sinabi naman ni Marshal na wala na sa kanya ang nangyaring iyon subalit ayon kay Lilia hindi gusto ni Moreno na magkaayos sila ni Marshal.
Bandang alas-6 ng gabi nang lumabas si Marshal at nagpunta sa kanilang mosque. Hindi nagtagal bumalik din ito sa kanilang bahay. Pasado alas-7 ng gabi lumabas muli ng bahay si Marshal upang magtungo sa kanilang mosque. Lingid sa kanyang kaalaman na nakaabang nasa kanya ang suspek. Nakita ng testigo na si Datukan Hasim ang suspek na nakatayo ang suspek at ito ay kanyang binati pa.
Dumiretso si Datukan sa isang tindahan upang bumili ng sigarilyo at sa pagkakataong iyon nakita naman niyang lumabas ng bahay si Marshal. Pagdating sa tapat ng bahay ng suspek bigla na lamang nitong binaril ang biktima. Napaatras si Marshal at nagtago sa isang kotse subalit muling pinaputukan ni Moreno ang biktima.
Sa takot ni Datukan na makita siya ng suspek, umalis ito at nag-iba ng daan dahil baka siya naman mapag-initan ng suspek. Matapos ang ginawang krimen mabilis na tumakas ang suspek mula sa pinangyarihan ng krimen lulan ng isang motorsiklo at may kasama rin ito. Narinig naman ng ama ng biktima ang mga putok ng baril mula sa labas kaya naman sinilip niya ito. Doon ay nakita niyang humihingi ng tulong si Marshal.
Sinubukan ng mga kaanak ni Marshal na dalhin ito sa ospital upang malapatan ng lunas ang mga balang tinamo niya sa katawan. Subalit dead-on-arrival na ito.
"Bago mamatay ang aking anak, hinaplos pa nito ng kanyang duguang kamay ang aking kaliwang pisngi hanggang sa malagutan na siya ng hininga. Naiwan sa pisngi ko ang bahid ng kanyang dugo. Napakasakit tanggapin para sa aking ina niya na ganoong klase ang kanyang pagkamatay," malungkot na pahayag ni Lilia.
Nilisan na rin ng mga Seradji ang kanilang bahay sa Muslim Compound at lumipat ng panibago nilang matitirahan. Nagsampa ng kaso Murder ang pamilya ng biktima laban sa suspek. Bagamat pindalhan ito ng subpoena para sa preliminary investigation hindi ito dumalo upang sagutin ang akusasyon laban sa kanya.
Pumabor naman ang resolution sa pamilya ni Marshal at may warrant of arrest na rin laban sa suspek. Nahaharap sa kasong murder si Moreno na ngayon ay nananatiling malaya pa. Hangad ng mga Seradji na mabigyan ng hustisya ang nangyari kay Marshal. Umaasa silang pagbabayaran ni Moreno ang ginawa nitong krimen.
Para sa anumang impormasyon na makapagbibigay-alam sa kinaroonan ng suspek maaari kayong tumawag sa 6387285 o di kaya’y sa 6373965-70. Maaari din kayong magtext sa 09213263166 o 09198972854. Ang aming tanggapan ay sa 5th Floor City State Center Bldg., Shaw Blvd., Pasig.
E-mail address: tocal13@yahoo.com