Marami nang beses na nakapang-raid ang mga rebeldeng NPA at itinataon pa nila sa mga araw ng pangilin o Semana Santa. Ang pagraid ng NPAs sa Davao Prison and Penal Farm noong Linggo ng Pagkabuhay ay isang malaking dagok sa Philipine National Police. Nasa 100 mga baril ang natangay ng mga NPA nang lusubin ang penal farm. Limang sasakyan ang ipinasok ng mga rebelde sa loob ng bilangguan at nagkunwari raw na nasiraan. Walang kamalay-malay ang mga guwardiya ng penal farm na mga NPA na pala ang nasa harapan nila. Akala ng mga guwardiya ay mga sundalo ang laman ng trak at hihingi lamang ng saklolo. Ang mga iyon pala ang tatangay ng mga baril at mga bala. Nasimot ang mga armas sa bilangguang iyon sa Sto. Tomas Davao del Norte. Hindi nakaporma ang mga guwardiya sa bilis ng pangyayari. Hindi rin kaagad nakahingi ng saklolo sa mga awtoridad. Malayo na ang mga NPA ng dumating ang saklolo. Tiyak na naghagalpakan sa tawa ang mga rebelde sapagkat naisahan na naman nila ang mga awtoridad.
Ang ganitong paglusob ng mga rebelde sa mga bilangguan o detachment ng military ay madalas nangyayari. At kakatwa namang hindi nagkakaroon ng aral ang mga guwardiya. Patuloy sa pabandying-bandying ang mga opisyal ng bilangguan o mga hepe ng detachment at ito ang hinihintay ng mga rebeldeng NPA. Masyadong naging pabaya ang mga namumuno kaya naman sinasamantala ng mga rebelde.
Mauulit muli ang pagsalakay na ito sa mga susunod na panahon. Patatahimikin lamang ang isyung paglusob at balik na naman sa pabandying-bandying ang mga guwardiya at ganoon din ang opisyal. Paulit-ulit lang ang lahat. Walang pagkatanda o matinding leksiyon.
Nararapat lamang na sibakin at kasuhan ang mga opisyal at guwardiya na mananakawan ng baril dahil sa paglusob. Mas mabuti pang mamatay na lumalaban ang mga guwardiya o sundalo kaysa naman lusubin at manakawan dahil tatanga-tanga. Hindi sila dapat ilagay sa puwesto. Sila ang nagbibigay ng daan para lumakas ang mga rebelde at ibang masasamang-loob.