Bagaman sinasabi sa mga balita na si Diasen ay kandidato ng administration party na Lakas-CMD, ang katotohanan, si Diasen ay isa sa 16 na kandidato sa pagka-gobernador ng oposisyon, sa ilalim ng aming partido, ang Puwersa ng Masang Pilipino.
Ang pagpaslang kay Diasen ay katibayan nang hindi matigil na political killing sa ilalim ng rehimeng Arroyo kung saan kahit ang international community sa ilalim ng United Nations, Kongreso ng Amerika at Permanent People’s Tribunal sa Europa, ay nagpahayag na ng sobrang pagkabahala.
Simula nang ilegal na tanggalin ng grupo ni GMA ang panguluhan kay President Erap noong 2001, hindi maitatanggi na tumindi, lumala at lumawak ang problema ng political killing kaya hindi tamang sabihin ng mga awtoridad na ang pagkamatay ni Diasen ay dahil mayroong nalalapit na halalan.
Sa aking nakikita, mas madali para sa awtoridad na magturo at gumawa ng dahilan kung bakit hindi nila kayang sawatain ang malalagim na pagpatay kesa aminin na inutil sila sa bagay na ito. Masakit talagang umamin sa katotohanan.
Harinawang may ibungang positibo ang binuong task force ng PNP upang malutas ang pagkamatay ni Diasen.
Para sa pamilya ni Diasen, taos-puso akong nakikiramay kasama na ang pamilya Estrada. Kaugnay nito, sana’y huwag daanin sa marahas na desisyon ng sinumang grupo ang pagkamit ng hustisya para sa kanya.