Ang pinaka-latest na biktima ng pamamaril ay ang isang tatakbong congressman ng Quezon province na si Vicente Rabaya Jr. Natagpuan siyang may tama ng bala sa ulo at nakahandusay sa loob ng kanyang kotse noong Sabado ng gabi. Natagpuan ang bangkay ni Rabaya sa loob ng Fortuner sa Katipunan Rd. Quezon City. May hinala ang pulisya na pulitika ang dahilan ng pagpatay sa congressional bet. Sabi naman ng pulisya, maaaring pinatay si Rabaya sa ibang lugar at dinala lamang sa Quezon City para mailigaw ang mga imbestigador.
Isang araw makaraang patayin si Rabaya sa pamamagitan ng baril, inambus naman ang tatakbong mayor ng Placer, Masbate. Nakaligtas sa ambush si Freddie Quidato pero namatay naman ang kanyang dalawang bodyguard. Naglalakad lamang si Quidato at dalawang alalay dakong alas-otso ng umaga sa Bgy. Cabangkalan nang pagbabarilin. Blanko ang pulisya sa motibo ng ambush pero pulitika ang nasisilip na anggulo.
Isang buwan pa bago ang May 14 elections at inaasahang marami pa ang mangyayaring pamamaslang na ang gamit ay baril. Kahit na may gun ban, patuloy ang pagkalat ng baril. Isang katotohanan na hindi ganap na kontrolado ng Comelec ang sitwasyon. Nasaan na ang kapangyarihan at hindi masamsam ang mga loose firearms.
Isa pang malinaw na katotohanan na nagkalat ang baril ay ang nangyaring hostage taking sa Maynila noong nakaraang linggo. Hinostage ni Jun Ducat ang sariling mga estudyante habang patungo sa field trip. Mahigit 20 batang estudyante at dalawang guro ang hinostage sa loob ng bus. Ang nakasisindak ay ang pagkakaroon ni Ducat ng isang Uzi submachinegun at dalawang granada.
Paano nagkaroon si Ducat ng baril at granada? Mahirap sagutin. Kontrolado ba ng Comelec ang sitwasyon ngayon?